Malaki ang pasasalamat ni Trisha Marie Buri ng Masbate City sa kanilang dalawang pet dogs dahil hindi umano natuloy ang tangkang pagnanakaw ng akyat-bahay, noong gabi ng Enero 27, 2022.
Ayon sa panayam ng Balita Online kay Trisha, tahol nang tahol ang kanilang mga alagang sina Roscoe at Smile kaya naman nagising sila upang alamin ang dahilan nito. Naganap umano ang insidente mga bandang 1:00 ng madaling-araw.
“Around 1AM, tumatahol at ‘di po mapakali si Smile. Patingin-tingin po siya sa akin at sa pinto ng kuwarto. Tapos, may narinig po ako na yabag ng mga paa at narinig ko na may binubuksang zipper ng bag sa baba, sa bandang sala, kaya naisip ko kaagad ang laptop ni Papa, kaya sumigaw agad ako," ayon sa salaysay ni Trisha.
Ngunit nang bumaba na raw ang mga magulang ni Trisga upang i-check ang kanilang unang palapag, wala naman silang napansin o nakitang kahit na sino.
Subalit nagtataka sila, ayaw tumigil sa pagtahol sina Roscoe at Smile.
"Aakyat na po sana kami sa taas pero si Smile, ayaw tumigil kakatahol. Si Roscoe naman tahol nang tahol kahit inaaya na ni Papa na umakyat sa taas. Ayaw niyang umalis sa kusina kaya naiwan si Papa, tapos nakita niya na nakaawang ‘yung panel ng door ng cabinet."
Nang buksan ang cabinet, dito na nila nakita ang nagtatagong akyat-bahay na isang lalaki. Nagsisisigaw naman sina Trisha at humingi na raw ng tulong sa mga kapitbahay. Kaagad na nadala sa barangay hall ang suspek.
Hindi lamang iyon, natuklasan din nila na hindi lamang sila ang nabiktima umano ng suspek. Nakita kasi nila ang cellphone at eye glasses ng kapitbahay nila na nasa ilalim ng kanilang lababo.
“Tinignan po namin ‘yung cellphone at nakita na ang pictures ay sa anak ng kapitbahay namin. So hayun po pala, dumaan muna sa katabing bahay bago sa amin," aniya.
Kaya naman, malaki ang pasasalamat ni Trisha sa kanilang hero dogs na sina Roscoe at Smile, na para sa kanila ay bahagi na ng kanilang pamilya. Agad nila itong binigyan ng sertipiko ng pagkilala at hinandaan pa ng pagkain.
May mensahe naman si Trisha sa lahat ng mga fur parents o nag-aalaga ng mga pet dog.
"Para po sa mga kapwa ko dog owners, ituring po natin sila na parang kapamilya. Alagaan po sila at mahalin, dahil darating po ang panahon na sila naman ang gagawa ng kabutihan para sa atin," saad niya.