Kinakailangan ng “government intervention” sa pagtugon sa mabagal na internet speed ng bansa upang maalis ang kinakailangang congressional franchise at makapagtayo ng mga common tower sa mahihirap na lugar pagdating sa internet signal, sabi presidential aspirant Vice President Leni Robredo nitong Lunes, Enero 31.

Kung siya ang mananalo sa pagkapangulo, isusulong ni Robredo na amyendahan ang Public Service Act para matiyak na hindi na kakailanganin pang mag-apply ng prangkisa ang mga telcos.

Sa isang panayam sa “Ikaw Na Ba: The Presidential Interviews” sa DZBB, kinilala ng nag-iisang babaeng kandidato sa pagkapangulo ng bansa para sa botohan sa Mayo 2022 ang mga suliranin sa bilis ng internet dahil siya mismo ay nahirapan sa kanyang internet connection sa panayam sa radyo nitong Lunes.

“Kailangan talaga ng mas maayos na government intervention para mas maraming investments, mas maraming incentives na binibigay para mas maraming telcos na mag-interest na mag-invest dito,” sabi ni Robredo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kailangang “incentivized” ng gobyerno ang mga telecommunications company na maging "mas agresibo" sa pagpasok sa mga lugar na may kahirapan pagdating sa mababang signal ng internet o walang signal.

“Pag tumulong na kasi ang gobyerno mas mai-incentivize siyang pumasok kahit doon sa mga areas na tinatawag nating mga hardship areas—iyon ‘yung areas na malalayo—iyong areas lang na konti ang subscribers,“ paliwanag ni Robredo.

“So, napakahalaga talaga ng government intervention dito kasi hanggang ‘yung mga pinakasulok-sulukan hirap na hirap sa signal,” dagdag niya.

Noong Disyembre 2021, ipinakita ng global internet monitoring firm na Speedtest ng Ookla na ang Pilipinas ay ika-90 sa 138 na bansa sa bilis ng mobile internet at 72 sa 181 na bansa sa broadband internet speed.

Sa naunang virtual town hall meeting kasama ang business process outsourcing (BPO) sector, binigyang-diin na ng Bise Presidente kung paano makatutulong ang internet speed sa flexible working arrangement na plano niyang makipag-ayos sa industriya ng BPO kung manalo siya.

Gayundin, sinabi niya na makatutulong ito para maging desentralisado ang industriya na nagpapahintulot sa mga kompanya na mag-alok ng trabaho sa mga tao sa mga probinsya.

Binanggit ni Robredo ang dalawang hadlang kung bakit hindi namumuhunan ang mga telcos sa bilis ng internet ng bansa: ang una ay ang pangangailangan ng prangkisa sa kongreso dahil ang telcos ay itinuturing na public utility, at ang pangalawa ay ang pagtatayo ng isang “common tower” na ibinibigay ng pamahalaan upang bawasan ang pasanin sa pamumuhunan sa mga pribadong kompanya.

Nais din niya na ang mga kompanya ay "magtulungan" at i-level ang mga pamumuhunan, kahit na ito ay posible lamang sa "common tower.”

Gayunpaman, binigyang-diin din ni Robredo ang pangangailangang tiyakin ang “accountability” at “transparency” sa mga proseso kung aalisin ang prangkisa ng kongreso.

“Wala nang balakid sa kanilang pagpasok, asikasuhin lang. Asikasuhin lang na sisiguraduhin natin na iyong accountability nila ay nandiyan pa rin. Iyong transparency sa pag-proseso nandiyan pa din,” sabi ni Robredo.

Raymund Antonio