Iniulat ni San Juan City Mayor Francis Zamora nitong Lunes na bumaba na ng 86.03% ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, sa loob lamang ng 18-araw.

Ayon kay Zamora, mula sa dating 1,947 aktibong kaso noong Enero 12, 2022, umaabot na lamang sa ngayon sa 272 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

“San Juan City now has only 272 active cases of COVID-19.This is an 86.03% drop in just 18 days, coming from a high of 1,947 last January 12,” anang alkalde.

“We attribute this continuous drop of COVID-19 cases to the high rate of vaccination in our city which is now at 250% of our target population and the adherence of our people to all health and safety protocols,” aniya pa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iniulat rin naman ni Zamora na ang 99.5% ng kanilang COVID-19 active cases ay nakakaranas lamang ng mild hanggang asymptomatic dahil sa mataas na rate ng vaccination nila laban sa sakit.

Inaasahan rin naman ni Zamora na sa nalalapit na pagbabakuna na sa mga batang 5-11 years old simula sa Biyernes, Pebrero 4, ay mas lalaki pa ang porsiyento ng kanilang populasyon na magkakaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19.

Maging ang utilization rates sa San Juan Medical Center ay mababa rin sa 25%, gayundin sa kanilang quarantine facilities na nasa 13% naman.

Sa kabila naman nito, mahigpit pa rin ang paalala ni Zamora sa mga residente na huwag maging kampante at patuloy pa ring mag-ingat at tumalima sa health protocols upang hindi dapuan ng karamdaman.

Dapat rin aniyang magpabakuna na ang mga ito at magpaturok ng booster shots.

“But we must not be complacent. Let us continue to follow all minimum public health standards and get our booster shots for the numbers to decline even further,” aniya pa.

Mary Ann Santiago