Umaabot na lamang sa mahigit 190,000 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) nitong Lunes, Enero 31, 2022, ng 14,546 bagong kaso ng sakit at 26,500 naman na pasyenteng gumaling sa karamdaman.
Batay sa case bulletin #688 na inisyu ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 3,560,202 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 5.4% o 190,818 na lamang ang aktibong kaso pa o nagpapagaling pa sa karamdaman at maaari pang makahawa.
Karamihan naman sa mga aktibong kaso ay pawang mild cases lamang na nasa 177,584; 8,239 naman ang walang nararamdamang sintomas o asymptomatic; 3,126 ang moderate cases; 1,540 ang severe cases at 329 ang kritikal.
Nasa 26,500 naman ang naitala ng DOH na bagong gumaling sa bansa, sanhi upang umabot na sa 3,315,381 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 93.1% ng total cases.
Mayroon pa rin namang 112 mga pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 54,003 ang total COVID-19 deaths sa Pilipinas o 1.52% ng total cases.
Mary Ann Santiago