Kasunod ng banta ng forfeiture sa kanyang retirement benefits, isang matapang na hamon ang binitawan ni Commissions on Elections (Comelec) Commissioner Rowena "Bing" Guanzon sa kapwa niya mga opisyal ng poll body. Ito'y nag-ugat sa alegasyon ni Guanzon ukol sa umano'y sadyang pagbibin ng resolusyon kaugnay ng disqualification case laban sa kandidatura sa pagka-Pangulo ni dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr upang hindi mapabilang ang kanyang separate opinion dahil sa kanyang nakatakdang pagretiro.

Iginiit ni Guanzon na hindi siya “patay-gutom” at kailanman ay hindi “magdidildil ng asin” kahit magbitiw sa puwesto bago ang kanyang nakatakdang retirement date sa Pebrero 3.

Basahin: Guanzon, hinamon ang kapwa Comelec officials kahit itaya ang kanyang retirement benefits – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Now here in the Manila Cathedal. Let us all resign together. I will forfeit all my benefits. Sino ang tinatkot niyo? Ako? Anak ako ni Elvira Guanzon at Judge Sixto Guanzon, war hero. Marunong kaming magtiis para sa bayan namin,” maanghang na pahayag ni Guanzon nitong Lunes, Enero 31.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

“Tatakutin niyo ko ng retirement benefits ko? Ano ako patay-gutom? Bago ako dumating sa Comelec, naging Commissioner na ako ng COA. Nagpraktis na ako ng batas at anak ako ng haciendero. Kayo saan kayo galing?” pagpapatuloy ni Guanzon.

Sino nga ba si Rowena Guanzon?

Tubong Cadiz City, Negros Occidental, ang University of the Philippines (UP) alumna at Harvard Master’s degree holder na si Rowena Amelia “Bing” Guanzon ay ikaapat na anak ng mga kilalang personalidad sa lalawigan na sina retired judge at World War II hero Sixto Guanzon at pro-bono lawyer at dating board member Elvira Guanzon.

Bago pa naging isa sa mga commissioner ng poll body, kabi-kabila na ang naging ambag sa panunungkulan sa gobyerno ni Guanzon kabilang ang pagiging state audit commissioner noong 2013, Senate consultant, at chief of staff ng yumaong beteranong mambabatas na si Senador Miriam Defensor Santiago.

Si Guanzon ay kilala bilang isang ligitation lawyer, manunulat, batikang propesor at legislative consultant pagdating sa election laws, gender equality bukod sa iba pa. Kabilang sa kanyang mga akda ang Engendering the Philippine Judiciary (UN Development Fund for Women and UP Center for Women's Studies Foundation, 2006),  The Davide court: Its Contributions to Gender and Women's Rights (The Asia Foundation and the UP Center for Women's Studies Foundation, 2006), The Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004: Republic Act No. 9262 (Rex Book Store, 2009),  at The Anti - Sexual Harassment Act Notes and Cases (UP Law Complex Publications, 2014).

Naging malaking papel ang University of the Philippines (UP) para sa kanyang kamalayang politikal sa murang edad. Sa isang talumpati noong 2017, ibinahagi ni Guanzon na aktibo siyang nakikiisa sa mga rally noon, mas madalas siyang makikita sa lansangan kumpara sa classrooms.

Sa kabila nito, matagumpay na tinapos ni Guanzon ang dalawa sa pinakamahihirap na programa sa UP, ang Economics at Law, kung saan ginawaran siya ng Dean’s Medal matapos maging Rank 6 sa pinakamahuhusay na graduate ng taon.

Matapos maipasa ang Bar Exams noong 1985, kinailangan na bitawan ni Guanzon ang maayos na karera sa noo’y pinakamalaking law firm ng bansa upang suporatahan ang kandidatura ni Cory Aquino, isang pasya na itinuring niyang determinado sa paraan ng kanyang kamulatan sa UP at sa kamalayang nakuha sa magulang na inilarawan niyang “courageous at patriotic people” sa isang kamakailangang panayam.

Nang mapatalsik ang diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos at maluklok na Pangulo si Cory Aquino noong 1986 dito na nagsimulang tahakin ni Guanzon ang serbisyo publiko.

Sa edad na 28 taong-gulang, naitalagang officer-in-charge City Mayor si Guanzon ng Cadiz City. Nasundan pa ang kanyang termino nang manalo sa parehong opisina taong 1986.

Mula noon, ibinuhos na ni Guanzon ang kanyang karera sa government service at pangunguna sa ilang organisasyon na isinusulong ang karapatan ng mga kababaihan kabilang ang Asia Cause Lawyers Network, Gender Justice Network at Cedaw Watch.