Isinapubliko ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno nitong Lunes ang kaniyang '10-point Bilis Kilos Economic Agenda' para sa pagbangon ng bansa, sakaling siya ang palaring maging susunod na pangulo ng Pilipinas matapos ang halalan sa Mayo 9, 2022.

Ayon kay Moreno, kasama sa kanyang mga plano ang pabahay, edukasyon, trabaho, kalusugan, turismo, imprastraktura, digital transformation at industriya, agrikultura, good governance, at smart governance.

Sa pabahay, sinabi ng alkalde na plano niyang magtayo ng isang milyong pabahay sa loob ng anim na taon, kabilang na ang mga ‘vertical housing’ na tulad ng ginawa niya sa Maynila.

Maglalaan aniya siya ng 1.3 porsyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa kada taon para dito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ayon kay Moreno, ipaprayoridad rin niya ang 'automation at digitalization' kabilang ang 'robotics' sa sistema ng edukasyon upang makaagapay ang mga estudyanteng Pinoy sa ibang mas mauunlad na mga kapitbahay na bansa. Para maisagawa aniya ito, itataas niya ang budget sa edukasyon mula sa 3.17% ng GDP sa 4.3%.

Pagdating naman sa trabaho, sinabi ni Moreno na una niyang bibigyan ng pansin at pagkakalooban ng insentibo ang mga 'micro, small at medium enterprises (MSMEs),' na siyang bumubuo sa 95% ng negosyo sa Pilipinas at pangunahing nagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.

Aniya pa, mula sa pagtatayo ng mga pabahay, ospital para sa kalusugan at mga paaralan, isusulong rin niya ang pagpapalakas pa sa gawaing imprastruktura tulad ng mga tulay na magkokonekta sa mga isla ng bansa, dodoblehin ang mga kalsada sa pamamagitan ng skyways, pagpapatayo ng mga planta ng kuryente, at mas palalakasin ang internet connection.

Tiniyak pa ni Moreno na pangunahin rin sa kanyang prayoridad ang pagsusulong ng malinaw na ‘pandemic response roadmap’ upang protektahan ang lahat ng Pinoy laban sa COVID-19

Isasagawa aniya niya ito bago matapos ang 2022 upang tuluyang mabuksan ang ekonomiya at maging handa ang bansa, sakali mang magkaroong muli ng mga susunod pang pandemya.

Nais rin ni Moreno na pagtuunan ng pansin ang mga magsasaka upang kumita ang mga ito para sa kanilang pamilya sa pamamagitan nang pagyakap sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.

Mary Ann Santiago