Pormal nang nagsimula nitong Lunes, Enero 31, ang isang linggong mid-year break ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.
“Simula na ng Mid-year Break ngayong araw, learners!” anunsiyo pa ng DepEd. “Dahil sa ipinamalas n'yong galing sa Academic Quarters 1 and 2, deserve n'yo ang break na ito!”
Pinayuhan naman ng DepEd ang mga estudyante na gamitin ang naturang panahon upang makapagpahinga bilang paghahanda sa natitira pang quarters ng School Year 2021-2022.
“Gamitin ang oras na ito para sa inyong sarili at magpahinga bilang paghahanda sa susunod na quarters ng SY 2021-2022,” anito pa.
Nabatid na magtatagal ang mid-year break hanggang sa Pebrero 5, 2022, Sabado.
“Huwag ding kalimutan na manatiling ligtas at malusog kasama ang inyong pamilya!” paalala pa ng DepEd sa mga mag-aaral.
Samantala, kasabay ng naturang mid-year break, nagsimula na rin ang pagdaraos ng In-Service Training (INSET) ng mga guro, alinsunod sa DepEd Order No. 29, s. 2021.
Anang DepEd, ang nabanggit na iskedyul para sa INSET, na idaraos rin mula Enero 31 hanggang Pebrero 5, ay maaari lamang baguhin sa mga paaralang nagdeklara ng class suspension dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Matatandaang noong unang bahagi ng Enero, ilang paaralan, school divisions at mga lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng mula isang linggo hanggang dalawang linggong health break.
Kasunod na rin ito nang pagdami ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar, gayundin sa pagdami ng bilang ng mga guro at mga mag-aaral na dinapuan ng trangkaso, kasama ang kani-kanilang pamilya.
Mary Ann Santiago