Humirit na si Vice President at presidential candidate Leni Robredo ng imbestigasyon sa alegasyon ni Comimission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na 'nakikialam' umano ang isang senador sa disqualification case laban kay dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Nilinaw ni Robredo, isa itong mabigat na alegasyon dahil ang integridad ng halalan ay nakasalalay sa integridad ng Comelec.
“So, sa akin, kailangan na imbestigahan ano ba ‘yung nangyayaring pag-impluwensya sa pagdedesisyon kasi hindi lang naman dito apektado ‘yung mga parties to the case, pero lahat na mga Pilipino na boboto sa eleksyon,” pagdidiin ni Robredo nang kapanayamin ng mga mamamahayag sa kanyang Swab Cab initiative sa Lingayen, Pangasinan.
Binigyang-diin din niya na tutol ito sa Comelec dahil nawawalan na ito ng reputasyon at integridad.
"Kung hindi buo ‘yung confidence ng tao, apektado tayo lahat," lahad ni Robredo.
Nakabinbin pa rin ang kaso ni Marcos sa 1st Division ng Comelec kung saan nagsisilbing presiding officer si Guanzon.
Kamakailan, isinapubliko ni Guanzon ang kanyang boto na i-disqualify si Marcos kasabay ng panawagan nito sa commissioner -ponente na si Aimee Ferolino na ilabas na ang desisyon bago ito magretiro sa Pebrero 2.
Itinanggi na ni Ferolino na inaantala nito ang pagpapalabas ng desisyon sa kaso.
Raymund Antonio