Tinatayang nasa P3.2 milyong halaga ng marijuana at shabu ang nasabat ng Bulacan police sa magkakasunod na drug buy-bust operation sa mga lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte noong Enero 29.
Kinilala ni Col. Rommel J. Ochave, acting Bulacan police director, ang mga naarestong suspek sa pagtitinda ng marijuana na sina John Archie Sabado, 32, ng Bongabon, Nueva Ecija, at isang 17-anyos na menor de edad mula sa San Andres, Cainta Rizal.
Arestado sa pagbebenta ng shabu sina Arturo Trinos; Norilyn Mariano; Annalyn Dupra; Sanny Bernardo; at isang 17-anyos na menor de edad, pawang residente ng Barangay Minuyan Proper, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
Sinabi ni Ochave na ang buy-bust operation ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Malolos City Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Christopher Leano ay nagresulta sa pagkakaaresto kay Sabado at sa kasabwat nitong menor de edad sa aktong pagbebenta ng malaking brick ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa isang police poseur buyer.
Nakumpiska sa kanila ang kabuuang 20 brick ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P 2.8 milyon; cellphone, sasakyan, at buy-bust money.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Allan B. Palomo, CSJDM OIC, isinagawa ang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Unit Region 3, Bulacan provincial police office, Provincial Intelligence Branch, at CSJDM police sa Minuyan Proper. Nakabili ang isang undercover intelligence operative ng isang heat-sealed transparent plastic sachet ng shabu mula sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa limang suspek ang 12 heat-sealed plastic sachet ng shabu na may tinatayang timbang na humigit-kumulang 50 gramo na nagkakahalaga ng P400,000; ilang drug paraphernalia, at ang buy-bust money.
Lahat ng narekober na ebidensya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa laboratory examination habang inihahanda ang kaukulang reklamong kriminal laban sa mga suspek.
Freddie Velez