Iniulat ng OCTA Research Group na ang National Capital Region (NCR), Cavite, at Rizal ay nasa moderate risk classification na sa COVID-19 habang nananatili naman sa high risk classification ang mga lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon, base sa indicators ng Covidactnow.org.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR ay nasa 23.01 habang 20.30 naman sa Cavite at 15.09 sa Rizal.
Nakapagtala rin naman ang NCR ng COVID-19 case growth rate na -68% habang ang Cavite ay nakapagtala ng -65% at -66% naman ang naitala sa Rizal.
Iniulat rin naman ng OCTA na ang COVID-19 reproduction rate sa NCR na 0.47 na lamang, Cavite na 0.69 at Rizal na 0.54, ay “very low” na.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19.Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan ng sakit.
Sa kabila nito, iniulat rin ni David na ang mga lalawigan ng Batangas, Laguna, at Quezon ay nananatiling ‘high risk’ sa COVID-19.
Nabatid na nasa high risk ang ADAR sa Batangas sa 13.74 at Laguna na nasa 23.07 naman habang moderate naman sa Quezon na nasa 9.25.
Ang COVID-19 case growth rate sa Batangas ay nasa -48%, -60% naman sa Laguna at -28% sa Quezon.
Nasa low risk na rin naman ang reproduction rate sa Batangas na nasa 0.89 at Laguna na nasa 0.77, ngunit nananatili sa high ang Quezon na nasa 1.11.
Samantala, idinagdag naman ni David na maaari pang bumaba ang klasipikasyon ng NCR sa low risk sa susunod na dalawang linggo kung magpapatuloy ang downtrend sa rehiyon.
“NCR could improve to low risk within two weeks if the downtrend continues,” ani David.
Muli rin siyang nanawagan sa publiko na istriktong tumalima sa umiiral na minimum public health standards upang hindi na muli pang magkaroon ng surge ng COVID-19.
Mary Ann Santiago