Sinimulan na ng Las Piñas City government ang pagpaparehistro nitong Sabado, Enero 29, sa mga batang edad 5-11 upang mabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kaugnay nito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga magulang at guardians na irehistro ang kanilang mga anak sa registration link na https://bit.ly/e-covid19reg para makatanggap ng libreng bakuna.
Sa pamamagitan ng naturang registration link ay maaaring sagutan at ibigay ang mga hinihinging impormasyon o detalye ng mga ipaparehistrong kabataan.
Pagkatapos na mairehistro ay marapat na maghintay ng text message na magkukumpirma mula sa pamahalaang lungsod kung saan nakasaad mula rito ang oras, araw at lugar ng bakuna ng bata.
Idinahilan ng city government, inuuna nila ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng bawat Las Piñeros, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Pinapaalalahanan muli ang mamamayan nito na manatiling sumunod sa health at safety protocols upang maiwasan ang pagkahawa sa mga sakit.
Bella Gamotea