Ipinagtanggol ng Department of Health (DOH) ang naging desisyon ng gobyerno na luwagan na quarantine restrictions para sa mga biyaherong pumapasok sa bansa.
Ito ay tugon ng pamahalaan sa pag-alma ni Dr. Tony Leachon, dating National Task Force Against Covid-19 medical adviser, sa nasabing hakbang laban sa COVID-19.
"Napagkaisahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na luwagan. Alam naman natin na dahil sa bakuna, gumanda ang ating general conditions at kahit sa ibang bansa, nakita naman na hindi na kailangan magpa-test basta fully vaccinated and especially if boosted. It will also open our doors for economic recovery faster," paglilinaw ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang pulong balitaan nitong Sabado, Enero 29.
Simula Pebrero 1, puwede nang pumasok sa bansa ang mga bakunadong dayuhang biyahero at hindi na sila isasailalim sa quarantine, gayundin sa mga ROFs.
Kinaailangan lamang nilang iharap sa mga awtoridad ang negagtibong reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test result na kinunan 48 oras bago ang kanilang biyahe patungong Pilipinas.
Inoobliga na lamang ng gobyerno ang mga ito na mag-self-monitoring para sa anumang sintomas sa loob ng pitong araw mula nang dumating sa bansa.
Nauna nang pinalagan ni Leachon ang nabanggit na hakbang dahil hindi pa umano ito napapanahon bunsod na rin ng pagtaas ng bilang ng kaso ng sakit sa bansa.