Nagpaabot ng pagbati at pakikiisa si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno sa lahat ng miyembro ng Chinese-Filipino community sa lungsod at sa buong bansa sa kanilang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pebrero 1, 2022.
Sa kanyang mensahe, binanggit ni Moreno ang kontribusyon ng mga ‘Chinoy’ sa pag-unlad ng lungsod sa mga nakalipas na taon.
Pinasalamatan rin niya ang mga ito sa kanilang suporta sa lokal na pamahalaan ng Maynila at sa mga hakbangin nito.
Partikular na nagpahayag ng kanyang utang na loob ang alkalde sa lahat ng mga tulong na ibinibigay ng mga Chinese-Filipinos sa mga nangangailangan at sa pamahalaan sa kasagsagan ng pananalasa ng pandemya hanggang sa ngayon.
Aminado rin naman si Moreno na ikinalulungkot rin niya ang ginawang pagkansela sa mga aktibidad para sa Chinese New Year.
Ipinaliwanag naman niya na kailangang kanselahin ang mga aktibidad dahil sa pagkakaroon ng surge sa COVID infections sa buong bansa at upang protektahan ang mga mamamayan laban sa COVID-19.
Pinayuhan na lamang niya ang Chinese-Filipino community na ipagdiwang na lamang ang Chinese New Year’s Eve at Chinese New Year’s Day sa kani-kanilang tahanan.
Mary Ann Santiago