Kumakalat ngayon ang mga bali-balitang dumalaw at nag-alok ng tulong umano si presidential aspirant Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. o BBM sa may sakit na si Queen of All Media Kris Aquino, matapos itong ibalita sa isang YouTube video na may pamagat na 'Celebrity PH'.
Ayon sa naturang video, personal umanong nagpasalamat si Kris kay BBM dahil sa pagdalaw at pagtulong nito sa kaniya, bagay na pinabulaanan naman ng kaibigang abogado ni Kris na si Atty. Gideon V. Peña.
"Natuwa naman umano si Kris sa ginawa ni Bongbong dahil sa kabila nga daw ng pinagdadaanan niya ngayon ay isa umano si BBM sa mga naging concerned at naglakas-loob na siya ay bisitahin at gawin ang maitutulong nito sa kanya,” saad ng narrator sa naturang video.
Inalok pa raw ni BBM si Kris na komunsulta sa mahuhusay nitong mga doktor.
"Hindi umano alam ni Kris kung paano magpapasalamat kay Bongbong Marcos dahil malaking tulong umano ang nagawa nito upang gumaan ang kanyang pakiramdam,” saad pa.
"Did. Not. Happen." tweet ni Atty. Peña nitong Enero 28, 2022.
Naalarma naman ang mga netizen dahil maraming followers at views ang naturang YouTube channel. Hinikayat nila ang mga netizen na i-report ang naturang YT channel dahil nagpapakalat umano ito ng fake news at misinformation.
Isa sa mga video report na makikita rito ay close umano si BBM sa anak na bunso ni Kris na si Bimby.
"Dapat yang mga YouTube Channels na peddler of fake news should be blocked and deactivated."
"This is too much. The trolls claimed that she [Kris Aquino] died on January 23 after her health deteriorated into a critical condition and then used her for clout to make Marcos Jr. a hero."
"Sobra naman 'yan haha. Siguro sana wala na lang trolls sa mundo ganun or kaya sana wala nalang internet ang mga mapang-abuso."
"May isa pa po which I reported. Nasa ICU raw si Ms. Kris at dinalaw Ng matandang inutil. YT is a cesspool. Grabe."
Samantala, ang huling IG post ni Kris ay noong Enero 25 kung saan binati niya ang yumaong inang si dating Pangulong Cory Aquino ng Happy Birthday.
Sa naturang IG post, tiniyak niya sa mga basher at hater na patuloy siyang nagpapalakas at lumalaban para sa kaniyang dalawang anak na sina Kuya Joshua at Bimby. Sorry na lamang daw sa mga nagdarasal at nagpapakalat ng fake news na tegi na siya.
"Happy Birthday mom, your children are 100% united- exactly what you had always prayed for," bahagi ng kaniyang IG post.
Pinasalamatan din niya ang mga kapatid na nakaalalay sa kaniya, gayundin ang mga tunay na kaibigan na patuloy na nangungumusta sa kaniya. Ngunit wala naman siyang nabanggit na may presidential candidate na dumalaw sa kaniya sa ospital.