Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Sabado, Enero 29, na umaabot na sa 168,355 na batang lima hanggang 11-taong gulang ang nakarehistro na upang mabakunahan laban sa COVID-19 sa kani-kanilang local government units (LGUs).

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na sabayang babakunahan ang mga naturang bata, mayroon man silang comorbidities o wala.

“Hindi kagaya ng 12 to 17 na nauna ang may comorbidity, gusto natin mas mabilis ang bakunahan, kaya pagsasabayin natin ang pagbakuna ng may comorbidity at walang comorbidity,” ayon kay Cabotaje.

Nilinaw naman ni Cabotaje na, “hindi ibig sabihin na naka-concentrate o sila lang ang bibigyan. Ine-expand natin ito habang dumadami ang bakuna na dadating sa ating bansa.”

National

Bilang ng mga naputukan pumalo na sa 43, ilang araw bago ang Bagong Taon

Ang pagbabakuna sa 5-11 age group ay sisimulan na ng pamahalaan sa Pebrero 4.

Para sa mga batang may comorbidities, kinakailangan ng kanilang guardians na magpakita ng medical certificates sa vaccination centers, gayundin ng pruweba ng kaugnayan o relasyon nila sa bata.

Ang mga bata namang pitong taong gulang pataas ay palalagdain ng kanilang consent form hinggil sa pagbabakuna sa kanila.

Kung ang bata ay wala pang ID, ang kapitan ng barangay sa lugar ang tatayong testigo na ang kasama ng mga batang babakunahan ay kanilang magulang o guardian.

Mary Ann Santiago