Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Makati City nitong Biyernes, Enero 28, na namahagi ito ng kabuuang 31,000 COVID-19 vaccine doses bilang bahagi ng “Sister Cities” program nito na naglalayong tulungan ang mga kalapit na lokalidad ng Makati sa pagtugon sa iba’t ibang sakuna at kalamidad.
Ayon kay City Administrator Claro Certeza, limang local government units (LGUs) ang nakatanggap na ng mga donasyon ng bakuna ng Makati.
Noong Miyerkules, Enero 27, naglabas ang Makati City ng 13,000 doses ng AstraZeneca vaccines sa lalawigan ng Batangas. Personal na dumalo si Vice Governor Mark Leviste sa turnover ceremony sa Makati City Hall.
Namahagi rin ang lungsod ng 2,000 vaccine doses sa Lungsod ng Malabon noong Huwebes.
Sa unang bahagi ng buwang ito, nagbigay ang Makati ng 5,000 na dosis ng bakuna sa Urdaneta, Pangasinan; 1,000 doses at syringes sa Cuenca, Batangas; at 10,000 doses sa Batac, Ilocos Norte
“We have prioritized our sister-cities and municipalities in offering free COVID vaccines. We aim to help them bounce back from the crisis and contribute to national economic recovery,” ani Certeza.
Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na lubos na nakahanda ang lungsod na tumulong sa iba pang lugar sa pagtugon sa pandemya lalo na laban sa mas nakakahawa na Omicron at Delta variants.
Patrick Garcia