Naniniwala si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon nitong Biyernes, Enero 28, na nagkakaroon ng "conspiracy" o sabwatan kaya naaantala ang pagpapalabas ng desisyon sa disqualification cases laban kay presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Dahil dito, tinawagan na niya siCommissioner Aimee Ferolino na isumite na nito ang resolusyon upang pagbotahan na nila ito bago pa sumapit ang Pebrero 2. Nakatakdang magretiro si Guanzon sa nasabing petsa.
“Sa akin po may conspiracy na hindi na ilabas 'yung resolution para ‘yung boto ko hindi na mabilang," sabi nito sa isang television interview.
Maaari rin aniyang isang senador ang nasa likod ng pagkakaantala ng pagpapalabas ng ruling.
Nakabinbin aniya kay Ferolino ang desisyon sa kaso. Si Ferolino ay miyembro ng 1st Division na humahawak ng disqualification cases ni Marcos. Bukod kina Guanzon at Ferolino, miyembro rin ng 1st Division siMarlon Casquejo.
Hindi aniya sinasagot ni Ferolino ang kanyang mga mensahe at tawag sa telepono.
“Iniipit nila diyan kay Commissioner Aimee Ferolino. Pulitiko ito, malaking poderoso ito, kasi hindi naman gagawin ito ni Commissioner Aimee na hindi siya nakasandal sa taong malakas," aniya.
Nauna nang ibinunyag ni Guanzon na nakikialam ang isang political party sa kaso ni Marcos.
“Hindi niyo nga kandidato ‘yan si Marcos Jr. Ano ba? Salungat kayo sa partido niyo," sabi nito.
Hindi rin sigurado si Guanzon kung PDP-Laban ang nasabing partido. Gayunman, inihayag nito na malamang isa itong senador.
Itinanggi rin nito na si Senator Imee Marcos ang nasa likod nito.
Nitong Huwebes, isinapubliko ni Guanzon ang kanyang boto--i-disqualify si Marcos dahil nagkaroon umano ngmoral turpitude batay na rin sa mga ebidensya at sa batas.