Pormal nang inendorso ng oposisyong 1Sambayan ang sinusuportahan nitong walong kandidato para sa pagka-senador ngayong araw, Enero 28.
Sa virtual proclamation rally ng 1Sambayan, inanunsyo nito ang pangalan ni Neri Colmenares bilang pang-walo sa listahan.
Pasok sa listahan sila: Teddy Baguilat Jr., Leila de Lima na mula sa Liberal Party, Chel Diokno mula sa Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino, Risa Hontiveros ng Akbayan, Alex Lacson ng Kapatiran, Antonio Trillanes IV mula sa Magdalo at independent na si Sonny Matula.
Ikinagalak naman ni Colmenares ang anunsyo ng 1Sambayan at kinumpirma nito ang pagtanggap ng koalisyon bilang pang-walong senador sa kanilang senatorial ticket.
“Masaya ako na nagbunga ang ating pagsisikap. Isang malaking karangalan sa akin na mapili bilang isa sa mga senatorial candidates ng 1Sambayan. Malugod ko pong tinatanggap ang karangalang ito. Sa inyong suporta, kayang-kaya ko pong maging tapat na boses ng karaniwang tao sa Senado,” ani Colmenares.
“Sa puntong ito, nais kong ipahayag sa ngalan ng aking partido, ang Makabayan coalition, ang aming pag-endorso at malakas na suporta kay VP Leni Robredo bilang kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas at kay Senator Kiko Pangilinan bilang vice president,” dagdag pa niya.
Samantala, suportado naman ng 1Sambayan at Makabayan bloc, Makabayang Koalisyon ng Mamamaya, ang tandem nina presidential aspirant Leni Robredo at vice presidential hopeful na si Kiko Pangilinan.