Inaresto ng mga pulis ang 10 drug suspects at nakumpiska ang kabuuang ₱238,500 halaga ng shabu sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa katimugang Metro Manila.
Dakong 5:50 ng hapon nitong Huwebes, Enero 27, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Muntinlupa City Police Station Drug Enforcement Unit nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek na si Gorgonio Lopos y Hade, alyas Gony, 50, nakatira sa nasabing lungsod at nasabat ang ₱6,800 halaga ng umano'y shabu at buy-bust money.
Sa isinagawang operasyon sa No. 57 M Malvar St., Brgy. West Rembo, Makati City, bandang 7:35 ng gabi nadakip ng SDEU personnel ang suspek na si Jhomart Dulay y Dela Cruz, alyas Emon, 32, at nakumpiskahan ng 7.3 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalagang ₱49,460, marked money at coin purse.
Sa isa pang buy-bust operation sa lungsod ng Muntinlupa dakong 9:50 ng gabi sa 94 National Road Brgy Putatan, napasakamay ng awtoridad ang suspek na si Carlson Abungan y Baco, alyas Carl, 42, kung saan narekober mula rito ang 25 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang ₱170,000, belt bag at buy-bust money.
Samantala, dakong ala- 1:20 ng madaling araw nitong Biyernes, Enero 28 sa Purok 6, San Guillermo, Brgy. Bayanan, Muntinlupa City, natimbog ng mga pulis ang mga suspek na sina Archie Quizon,alyas Pusa, 37; Bonnive Asequia, alyas Angel, 20; Bernadette Pagkalinawan, alyas Badet, 48; Domingo Destura Jr. alyas B Buboy, 58; at May Ann Oruga Y Silvestre, alyas Kim, 23, nang masamsaman sila ng 0.8 gramo ng umano'y shabu na may halagang ₱5,440 at drug paraphernalia.
Bandang ala- 1:15 naman ng madaling araw ng Biyernes sa Purok 6, Brgy. Bayanan, Muntinlupa City, huli sa buy-bust operation ang mga suspek na sina Antonio Callos Jr. alyas Gaga, 38; at John Bryan Atun, alyas Jep, 28, na nagresulta ng pagkakakumpiska ng ₱6,800 halaga ng shabu at buy-bust money.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Agad na itinurn-over ag mga nakumpiskang ebidensiya sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis.
Bella Gamotea