Pagpapakumbaba ang nakikitang solusyon ni Philippine Sports Commission (PSC) chief William Ramirez sa hidwaan nina Pinoy pole vaulter EJ Obiena atPhilippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) chief Philip Ella Juico.
Si Ramirez ang nagsusulong upang maayos na nina Obiena at Juico ang gusot na nag-ugat sa usapin sa pera.
Hindi aniya mareresolba ang nasabing problema kung hindi magpapakumbaba ang mga ito."Akin lang sanang pakiusap, magpakumbaba tayo sa isa't isa kasi mediation is still the best option. Kung ayaw ng mediation, mag-usap na lang kayong dalawa," paliwanag ni Ramirez nitong Huwebes, Enero 27.
“Kung ako lang, magpakumbaba si EJ Obiena. Huwag masyadong makinig sa mga tao around him. Si Popoy (Juico) dapat will act like a father to EJ Obiena,” aniya.
Nag-ugat aniya ang hidwaan dahil sa financial statements na may kinalaman sa suweldo ng coach ni Obiena na si Ukrainian Vitaly Petrov.
"Nakakahiya sa taong bayan na siyang nag-funding. Nakakahiya sa mga politiko na nag-allocate ng pera. Nakakahiya sa presidente. Nakakahiya sa ibang bansa na pinag-uusapan tayo," sabi pa ni Ramirez.