Nagpaliwanag si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon kaugnay ng hindi pa inilalabas na ruling sa isinampang disqualification case laban kay presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Sa isang Facebook live, nilinaw ni Guanzon na handa na sana siya nitong Enero 17 dahil natapos na niya ang hiwalay na opinyon nito sa kaso.
Sa nabanggit ding petsa, ibinasura ng 2nd Division ng Comelec ang petisyong nagkakansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.
Si Guanzon ay isa miyembro ng Comelec-1st Division na humahawak sa nasabing kaso ni Marcos.
Idinahilan ni Guanzon, hindi pa umano handa ang isa sa commissioner na inatasang magpoponente ng desisyon matapos mahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isa abogado nito.
“Alam ko bakit anxious na kayo kasi 16 days na 'di pa lumalabas ang resolution," pagpapaliwanag ni Guanzon.
Idinahilan nito na kung susundin ang kanilang internal rules, dapat ay nakagawa na sila ng resolusyon sa loob ng 15 araw.
Inulan naman ng tanong, haka-haka, at iba pang opinyon ang Twitter account ni Guanzon kaugnay ng naturang disqualification case.
“Hindi naman kayo siguro maniniwala na nasuhulan ako para patagalin ko ‘to," sabi nito.
Nanawagan din si Guanzon sa publiko na bigyan pa ng sapat na panahon ang kasamahan nilang commissioner upang matapos ang desisyon dahil natapos na sa quarantine ang magpoponente nito.
Nilinaw din ni Guanzon na nais niyang magretiro na may zero backlog o walang naiwan o nakabinbing kaso.
Aniya, tatlong consolidated cases ang hawak nilang kaso sa Comelec-1st Division, kabilang ang isinampa ninaAbubakar Mangelen, Akbayan at Bonifacio Ilagan, et al.
Dhel Nazario