Umaabot na lamang sa mahigit 230,000 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa ngayon, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito’y nang maitala ng DOH ang15,789 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Miyerkules, Enero 26, 2022, at mahigit sa 32,000 pasyente naman na nakarekober.
Sa kabuuan, 3,475,293 na ang kaso ng sakit simula nang magkaroon ng pandemya sa bansa.
Nasa 6.6% o 230,410 ng nasabing bilang ang aktibong kaso o kasalukuyan pang nagpapagaling.
Sa mga aktibong kaso naman, 218,711 ang mild cases; 6,902 ang asymptomatic; 2,982 ang moderate cases; 1,507 ang severe cases; at 308 ang critical cases.
Nakapagtala rin ang DOH ng 32,712 bagong gumaling sa sakit.
Sa ngayon, umaabot na sa 3,191,219 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 91.8% ng total cases.
Mayroon pa rin namang 66 na binawian ng buhay sa karamdaman kaya aabot na sa 53,664 kabuuang COVID-19 deaths o 1.54% ng total cases.
Mary Ann Santiago