Sa Pebrero 4, opisyal nang sisimulan ang pagbabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) ng mga batang may edad na lima hanggang 11 taong gulang.

Inihayag ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na isang serye ng mga konsultasyon at pagsasanay sa mga barangay ang pangungunahan ng Department of Health (DOH) mula Enero 24 hanggang 28 habang darating ang unang batch ng Pfizer COVID-19 vaccine "sa susunod na linggo” bago ang nakalatag na roll out.

“We are ready to implement the vaccination for five to 11 years old next week,” pag-uulat ni Galvez kay Pangulong Duterte sa televised cabinet meeting nitong Lunes, Enero 24.

“Iyong ating memorandum guidance ay lalabas po ngayong week at ‘yong ating town hall meetings na pamumunuan po ng DOH and series of trainings ay tuloy-tuloy ngayong week, from January 24 to 28. Darating po next week ang mga supply at puwede na po tayong mag-roll out by February 4 next Friday,” dagdag niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, ang capacity building ng vaccination teams, site preparation, at final site inspections ng vaccination sites ay sabay-sabay na gaganapin mula Enero 25 hanggang 31.

Para sa roll out na ito, bubuksan ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang mga hospital at non-hospital vaccination sites sa Metro Manila bago ito palawakin sa ibang mga rehiyon pagkatapos ng isang linggo.

Magkakaroon ng dalawang vaccination site sa bawat isa sa 16 na lungsod at isang munisipalidad sa NCR, sabi ni Galvez.

“Ito po ang concept natin for our rollout, katulad din po ng ginawa natin noong nag-open po tayo ng 12 to 17 years old. Pero ngayon, mas prepared po tayo at mas experienced,” ani Galvez.

Bago ito, nagsagawa ng live orientation ang gobyerno para sa pagbabakuna ng nasabing age bracket nitong unang bahagi ng buwan na pinangunahan ng United States Embassy sa Maynila. Ang mga katulad na oryentasyon at follow up ay ginanap din sa ibang mga rehiyon.

“Makaka-assure po tayo, Mr. President, sa ating mga magulang na very safe ang ating gagamitin na bakuna dahil ito ay mas mababa ang formulation na angkop para sa mga bata,” sabi ni Galvez.

Agresibong itinuloy ng NTF ang pagbabakuna sa mga bata na may edad 5 hanggang 11 taong gulang upang kalauna’y ipatupad ang ligtas na pagpapalawak ng face-top-face classes sa Pebrero.

Martin Sadongdong