Naglabas ng kaniyang hinanakit ang vlogger na si Marco Rodriguez o Virgelyn ng Virgelyncares 2.o sa dating komedyanteng si Allan Padua o mas kilala bilang 'Mura' dahil sa mga nasabi nito laban sa kaniya, sa isang live video.

Napanood at nakarating kay Virgelyn ang maaanghang na pahayag umano ni Mura, na nagsasabing kaya lamang siya tinulungan ng vlogger ay para dumami ang views nito. Kung tutuusin daw ay patas na sila dahil natulungan din niya umano ang vlogger para sumikat at dumami ang views nito.

"Natural naman 'yun na magbigay siya. Vlogger siya eh. Papaano nga naman lalaki 'yung kanyang viewers, yung kanyang subscribers kung 'di siya pumunta sa amin? 'Di ba, doon siya kumita nang sobra-sobra," saad umano ni Mura sa naturang live video.

"Kung natulungan ako ni Virgelyn, mas natulungan ko rin siya. So parehas lang. Tabla na kaming dalawa. Wala na po kaming pakialaman ngayon," pahayag pa umano Mura sa kanyang Live video.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Marami sa mga netizen ang nagalit kay Mura sa mga sinabi nito dahil matatandaang isa si Virgelyn sa mga nagpaabot ng cash assistance sa kaniya noong nagkasakit siya, bandang Agosto 2021.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/08/05/thank-you-sa-tulong-kahit-akoy-laos-na-komedyanteng-si-mura-biniyayaan-ng-isang-tagahangang-vlogger/">https://balita.net.ph/2021/08/05/thank-you-sa-tulong-kahit-akoy-laos-na-komedyanteng-si-mura-biniyayaan-ng-isang-tagahangang-vlogger/

Hindi naman napigilan ni Virgelyn, dating OFW mula sa Bicol, na malungkot sa kaniyang mga narinig na patutsada mula kay Mura. Sana raw ay marunong din siyang tumanaw ng utang na loob, kagaya rin ng kaniyang pag-ani ng mga tanim sa bukid.

"Kumusta ka Mura? Sana 'yung pagtatanim mo ng mani at kung gaano mo pinausbong yung mga mani mo diyan sa bukirin, ganoon mo rin sana pausbungin ang pagtatanim ng utang na loob," malungkot na pahayag ni Virgelyn.

"Hindi ko sinasabing pasalamatan mo ako, hindi ko rin hinihingi kanino man na tinutulungan ko. Ang akin lang, kahit sa iba mo nalang gawin 'yun.

"Naiintindihan kita kung bakit mo nagawa 'yun, nasabi. Siguro dahil live lang. Minsan kasi pag-live kasi tayo, lumilipad kasi yung isip natin."

"Lagi mong tatandaan kahit maliit man o kaunti ang bunga ng iyong mani, maliit man iyong natanggap na biyaya, matuto pa rin tayong magpasalamat at wag tayong manunumbat sa mga taong umaangat na,"

Nilinaw din ni Virgelyn na bago pa man ang pagtulong niya kay Mura, marami na siyang subscribers.

"Bago kita nai-vlog, marami na akong napa-viral na video. Magmula doon sa anak-araw, kay Alexander, kay Jenny, kay Klara at yung Nanay na gumagapang sa tubuhan na di makalakad iniwan ng asawa."

"Marami pa, yung bata na nangunguha ng kahoy, walang kamay, walang paa, ang dami kung napa-viral, yung may bukol sa ulo. Marami na akong napa-viral. Kung titingnan mo milyon-milyon react 'yun."

May payo naman siya kay Mura na bawasan daw ang pagiging mapagmataas.

"Bawas-bawasan natin Mura 'yung medyo pagmamataas. Ni minsan, hindi ako nanumbat ng mga tinulungan kong tao. Hindi ko lang matanggap yung sinabi mong quits tayo. Ni minsan hindi kita sinumbatan."

Sa kabila nito, inanyayahan niya pa rin si Mura na magkita sila nang personal upang mapag-usapan nila ito.

"Sana pagpunta ko diyan magkita tayo, mag-date tayo. Basta ang natatandaan ko, wala akong ginawang masama sa'yo, walang akong pinakitang hindi kaaya-aya sa iyong pamilya. Kung ano ang pagmamahal ko sa'yo, 'yun din ang turing ko sa pamilya mo."

"Pagpunta ko diyan at kung ano pa pwede kung maiabot ko sa'yo, maabutan kita."

Pinayuhan niya si Mura na huwag makalimot magpasalamat sa lahat ng mga bagay at mga biyayang natanggap, maliit man o malaki.

"Mag-ingat ka palagi, lagi mong tatandaan magpasalamat sa kahit na kaunti, katiting man 'yan, ipagpasalamat mo. Kahit hindi mo ipagpapasalamat sa akin at sa taong tumulong sa'yo. Magpasalamat tayo sa Diyos dahil lahat ng binigay ko sa'yo 'yun ay binigay Niya."

Samantala, wala pa namang kontra-pahayag dito si Mura.