Inanunsyo ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno na matagumpay na nakakuha ang city government ng compassionate special permit (CSP) para bumili ng Bexovid, na isang life-saving medicine laban sa COVID-19.   

                                    

Kaugnay nito, pinasalamatan rin ni Moreno ang Food and Drug Administration (FDA) para sa nasabing permit na nagbigay-daan sa plano ng lungsod na bumili ng naturang gamot laban sa virus.

Ayon kay Moreno, ito ang bagong karagdagan sa listahan ng mga anti-COVID medicines na kanilang pinagkasunduan ni Vice Mayor Honey Lacuna na bilhin upang ipamigay ng libre sa mga COVID-19 patients.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matatandaang sa kasalukuyan ay namimigay ang city government ng Maynila ng libreng Tocilizumab, Remdesivir, Molnupiravir at Baricitinib. Ang mga naturang anti-COVID-19 drugs ay mahal at mahirap hanapin.

Tulad ng Mulnopiravir, sinabi Moreno na ang Bexovid ay ginagamit din sa mild o moderate COVID-19 treatment habang ang Tocilizumab, Remdesivir at Baricitinib ay para sa severe at critical patients.

“Me awa ang Diyos.Kung ano ang meron sa matatayog na bansa -Estados Unidos, Europa, Singapore, Japan-na mga gamot na tangan-tangan nila, pipilitin natin na makakuha din nun at maialay sa mga taong may kailangan,” anang alkalde.

Tiniyak naman ng alkalde na hindi lamang ang mga residente ng lungsod ang maaaring maka-avail ng mga naturang life-saving medicines, kundi maging mga non-residents dahil wala aniyang kinikilalang hangganan ang COVID.

“Gusto ko mabigyan ng oportunidad lahat. Anybody can avail.Wag kayo mahihiya. Mahirap maka-access ng mga gamot na ‘yan. Maski nga may pera, mahirap maka-access,” sabi pa ni Moreno.

Umapela rin ang alkalde sa mga doktor na nag-aasikaso ng mgaCOVID patients na ibahagi ang impormasyon na ang mga nasabing gamot ay libreng makukuha sa lungsod ng Maynila at ito ay sa pamamagitan ng pag-contact sa Manila Health Department (MHD) sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan sa mga sumusunod na numero :09150656335;09954966176; 09610627013; 09616281414; 09608229384; 09777297572 at landlines89262385; 89262380 at 89262383.

“Me pera ka o wala, mahirap makakuha o maka-access ng mga ito.Ang gusto namin, mabuhay ang inyong mga kaanak.Masaya kaming makapaglingkod, mabuhay lang kayo," dagdag pa ng alkalde.

Mary Ann Santiago