Opisyal nang sinimulan ng National Academy of Sports (NAS) ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa NAS Annual Search for Competent, Exceptional, Notable, and Talented Student-Athlete Scholars (NASCENT SAS) para sa School Year 2022-2023.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng Department of Education (DepEd), na nagsimula ang pagtanggap ng NAS ng scholarship application noong Enero 12.

Ang NAS, na isang kaakibat na ahensiya ng DepEd, na may mandatong magpatupad ng dekalidad at pinahusay na secondary education program, na sinamahan ng special curriculum sa sports bilang nakasaad sa RA No. 11470.

Naghahanap ang institusyon ng mga academically competent at athletically talented natural-born na batang Pilipino na karapat-dapat sa scholarship.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hinikayat naman ni Education Secretary Leonor Briones ang mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor na mag-aplay para sa scholarship upang palaguin ang kanilang angking kakayahan sa akademya at pampalakasan.

“I am urging all the student-athletes from all sectors of the society, including indigenous peoples, persons with disabilities, and other marginalized groups, to submit an application for the scholarship to improve their craft,” ani Briones.

“NAS would like to produce world-class athletes that can compete and bring home medals from SEA Games, Asian Games, Olympics, and other sporting events like our very own Hidilyn Diaz,” dagdag niya.

Nabatid na naghahanap ang NAS ng mga incoming Grade 7 at 8 learners, natural-born na Pilipino, na mayroong general weighted average (GWA) na hindi bababa sa 80%, at hindi lalampas sa edad na14 na taong gulang (para sa Grade 7) at hindi lalampas sa edad na 15 taong gulang (para sa Grade 8 ) sa simula ng school year.

Ang mga nagnanais maging student-athletes sa ilalim ng NAS focus sports, kasama ang aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, taekwondo, at weightlifting, ay hinihikayat na magsumite ng kanilang aplikasyon.

Bilang parte ng scholarship program, makatatanggap ang student-athlete ng mga insentibo tulad ng libreng matrikula, free board at lodging sa NAS Dormitory sa NAS Campus, New Clark City, Capas, Tarlac; probisyon ng dekalidad na edukasyon sa sekondarya; at access sa specialized sports training sa world-class na mga pasilidad.

Dagdag pa rito, magkakaroon ng pagkakataon ang scholars na katawanin ang bansa at NAS sa mga internasyonal na kompetisyon at maging sa mga exchange programs na may kasamang monthly stipend at scholarship grant na anim na taon base sa sports at academic performance ng student-athlete.

Maaring isumite nang pisikal ang application forms at requirements sa opisina ng NAS sa NASCENT SAS Secretariat, National Academy of Sports, 4th floor, PSC Building A, Philsports Complex, Bonifacio Gate, Capt. Henry P. Javier St., Orambo, Pasig City.

Maaari rin naman umano itong birtwal na ipasa sa pamamagitan ng pag-e-mail sa[email protected]hanggang Abril 12, 2022.

Para sa karagdagang impormasyon sa forms at requirements, maaaring bisitahin ang https://bit.ly/2022NASCENTSASInformation.

Mary Ann Santiago