Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na tuloy ang expansion phase o planong pagpapalawak pa nang pagdaraos ng face-to-face classes sa bansa sa susunod na buwan, sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, mas marami pang paaralan ang lalahok sa in-person classes simula sa Pebrero.

“Tuloy-tuloy tayo. In fact, we now call it the expanded face-to-face approach or stage,” ani Sevilla, sa panayam sa radyo.

Matatandaang noong Nobyembre 15, 2021 isinagawa ng DepEd ang pilot run ng limitadong face-to-face classes sa ilang paaralan sa bansa at nagtagal ito hanggang Disyembre 20, 2021.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Anang DepEd, nasa 287 pampubliko at pribadong paaralan ang lumahok sa aktibidad, na limitado lamang sa mga estudyante sa Kindergarten hanggang Grade 3 at Senior High School students.

Naging matagumpay naman umano ang pilot run at walang estudyante ang naitalang nagpositibo sa virus.

Dahil dito, inirekomenda ni Education Secretary Leonor Briones kay Pang. Rodrigo Duterte ang pagpapalawak pa ng face-to-face classes sa Pebrero, na sinuportahan naman ng pangulo.

Una nang sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na bubuksan na rin nila ang face-to-face classes sa iba pang grade levels, sa expansion phase nito.

Mary Ann Santiago