Ayon sa isang ulat, ang Advanced Media Broadcasting System Inc, media company na pagmamay-ari ng bilyonaryong si Manny Villar, ang nakapag-uwi sa dalawang frequencies na Channel 2 at Channel 16, na inabandona ng ABS-CBN at ABS-CBN Sports and Action, ayon sa pagkakasunod-sunod, matapos nitong mawala sa ere noong 2020.

Sa ulat ng Bilyonaryo, napagkalooban na umano ng provisional authority ng National Telecommunications Commission (NTC) ang nasabing kompanya upang gamitin ang dalawang kilalang frequencies ng broadcasting giant ABS-CBN.

Matatandaang noong Mayo 5, 2020, sa ilalim ng cease ang desist order ng NTC, nawala ang broadcast ng ABS-CBN sa free TV matapos mapaso ang kanilang license to operate.

Dalawang buwan matapos mawala sa ere ang ABS-CBN, sinagot nito ang patong-patong na isyu sa Kongreso ngunit bigo pa ring naiuwi ng kompanya ang panibagong 25-year franchise.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa botong 70-10, hinarang ng House Committee on Legislative Franchises ang hiling nitong panibagong franchise sa kompanya.

Ilan sa mga tinalakay na isyu sa Kongreso ang umano’y pag-isyu ng ABS-CBN ng Philippine depositary receipts (PDRs) sa foreign investors, ang dual citizenship ni ABS-CBN chair emeritus Gabby Lopez, TV Plus Box, KBO pay-per-view at bukod sa iba pa.

Sa basbas ng provisional authority, may kalayaan na gamitin ng kompanya ni Villar na magpatayo ng kagamitan kagaya ng tower transmitter upang ilunsad ang broadcast test sa Channel 2 at Channel 16.