Nagbigay ng kaniyang opinyon ang dating broadcaster journalist ng ABS-CBN na si Anthony Taberna, na ngayon ay nasa DZRH na, hinggil sa isyu ng hindi pagdalo ni presidential candidate Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., sa isinagawang presidential interviews ng batikan at premyadong broadcast journalist na si Jessica Soho, sa GMA Network.

Sa isang live video noong Enero 23, ipinahayag ni Anthony na naiintindihan niya si BBM kung naisip nito na hindi makakatulong sa kaniyang kandidatura ang 'pagtungo sa isang lugar na posibleng malapa ng leon' ngunit hindi batayan ito upang paratangang bias si Jessica.

“Kung ikaw ba naman si BBM pupunta ka sa lugar na kung saan lalapain ka ng ma leon, sige nga? Common sense lang ‘yun, common sense! Lamang na lamang ka. Madadagdagan ba 60% mo? Malamang maubos ka doon, papainan ka lang do'n. Itra-trap ka. Kukuhanan ka ng soundbyte. Pasasagutin ka in 30 seconds na hindi mo pa nabubuo sa isip mo ‘yung sagot, ubos na ‘yung oras. Itratrap ka na do'n, sasabihin tanga ka, hindi ka marunong sumagot," saad ni Anthony.

"Sa dami ng mga media entity ngayon na gustong ma-interview ang mga presidential candidate, ‘wag n’yong asahan na mapupuntahan lahat," dagdag pa niya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

"Okay naman sana pero tingin ko ‘di tamang katwiran ‘yung biased si Jessica Soho. Wala sa hulog ‘yung pangangatwiran na ‘yun. Sabihin n’yo na lang na ayaw n’yong magpa-interview, tapos!" aniya.

Sinabi ni Anthony na lahat naman daw ng media ay 'bias' kahit na siya, pero 'biased for the truth.'

"Eh ‘di tapatin n’yo na ‘yung nag-iinterview kaysa sisiraan n’yo pa na biased. Eh alam n’yo naman ang media depende sa… kung pabor sa inyo, ano ‘yun, ‘di biased? Kapag tinanong ka tapos ‘di mo gusto ‘yung tinanong, biased na ‘yung nagtatanong? S’yempre media ‘yun, tatanungin ka nang gusto itanong basta hindi labag sa batas."

"So okay lang ‘yun. Kung ayaw n’yang pumunta sa interview, okay lang ‘yun. Pero ‘yung titirahin pa ‘yung host, para sa’kin, mali ‘yun," pagtatanggol ni Ka Tunying sa kapwa journalist.