Sinagot ni Vice President Leni Robredo ang ulat ng umano’y pagtanggi niya sa isang presidential job interview ng DZRH-Manila Times matapos din maging trending topic sa Twitter ang “#LeniDuwag” nitong Linggo ng gabi, Enero 23.
“Ang totoo: I was invited to an interview with DZRH, initially set earlier this month. Ipapasok na sana sa schedule ko, but we were later told it was moved. Yung bagong sched nila was already in conflict with ours, as I had other commitments lined up,” paliwanag ni Robredo sa isang Twitter post nitong Linggo ng gabi.
Ito ang kanyang depensa matapos isapubliko ni Antonio Contreras ng Manila Times sa isang Facebook post na tinanggihan ng presidential aspirant ang paanyaya ng programang “Bakit Ikaw?”.
Tanging sina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, Ka Leody de Guzman, Senador Panfilo “Ping Lacson” at Senador Manny Pacquiao lang ang kumpirmadong kumasa sa hamon.
Sa nasabing Facebook post, sinabi ni Contreras na wala pang kumpirmasyon sa imbitasyon si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso habang tinanggihan umano ni Robredo ang imbitasyon.
Gayunpaman, habang tinutupad nito ang mga nakalinyang commitment handang ituloy ni Robredo ang kanyang partisipasyon sa programa kung kayang mabago ang schedule ng DZRH.
“Actually puwede ako next week. Kung willing sila to adjust, iset na natin. Handa naman ako lagi humarap,” dagdag na saad ni Robredo.
Nauna nang lumabas si Robredo sa "The Jessica Soho Presidential Interviews" noong Sabado, Enero 22.