Umaasa ang independent monitoring group na OCTA Research na ang Omicron COVID-19 variant surge na nararanasan ngayon sa bansa ay magtatapos na sa Marso o Abril ng taong ito.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, maaaring magtagal pa ang Omicron wave dahil bagamat unti-unti nang bumabagal ang hawahan sa National Capital Region (NCR) at ilang lalawigan sa Calabarzon, ay nagsisimula pa lamang aniya ito ngayon sa ibang rehiyon.

“Medyo matatagalan ‘yung Omicron wave kasi kahit na medyo bumababa na sa NCR, Cavite, Rizal, pataas pa lang sa ibang lugar at may mga lugar na hindi pa nagkakaroon ng pagtaas eh,” ani David, sa Laging Handa public briefing.

“We are hoping na by around March to April ay tapos na ‘yung Omicron wave sa buong bansa natin, which means baka makikita natin na less than 1,000 cases per day, pero hindi pa guaranteed ‘yon,” dagdag pa niya.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Matatandaang dahil sa Omicron surge ay nakasailalim pa ang NCR at ilan pang lugar sa bansa sa Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng buwang ito.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na maaaring maibaba na ang alerto ng NCR sa Level 2 kung magpapatuloy na ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa rehiyon, na maaari aniyang nakaabot na sa peak nito.

Ani David, maaaring mangyari ito sa kalagitnaan ng Pebrero kung magpapatuloy ang downward trend sa rehiyon.

“Sa nakikita ko ngayon, kung nasa 2,000 cases per day pa tayo by first week of February, baka masyado pang premature naibaba agad to Alert Level 2. Siguro baka mid-February earliest ma-consider seriously na ibaba to Alert Level 2,” ani David.

Mas mabuti aniyang siguruhing bumagsak na muna ang bilang ng mga kaso bago tuluyang magluwag ng alerto ang pamahalaan upang maiwasan ang resurgence o muling pagdami ng mga nahahawahan ng virus.

“Mas mabuting siguraduhin na nating bumaba at bumagsak ‘yung bilang ng kaso katulad nung nakita natin nung October, November to December siguro bago tayo magluwag,” aniya pa.

Mary Ann Santiago