Nagsimula nang umarangkada ang inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority MMDA na COVID-19 Mobile Vaccination sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Lunes, Enero 24, 2022.
Sinaksihan nina MMDA Benhur Abalos Jr. at PITX spokesperson Jason Salvador ang unang araw ng aktibidad ng proyekto sa pangangasiwa ni Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) Regional Director, Dr. Gloria Balboa sa ginawang seremonya sa pagtuturok ng booster shots kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa PITX para sa mga nagnanais na magpabakuna dakong 10:00 ng umaga ng Lunes.
Layunin ng proyekto na mas ilapit ito sa publiko at partikular na makapagbigay ng libreng booster shots sa mga pasahero at driver ng public utility vehicles (PUVs) sa PITX lalo na't umiiral ang No Vax, No Ride policy ng Department of Transportation (DOTr) sa terminal noong Enero 17.
Kaugnay nito,hinikayat ni Abalos ang publiko na basahing mabuti ang kautusan ng DOTr dahil may ipinatutupad din na mga exemptions sa polisiya tulad sa mga manggagawa na kailangan lamang na magpakita o magprisinta ng kanilang company ID at kung may mga essential goods na bibilhin at kukuha ng mahahalagang serbisyo na patunay sa kanilang pagbiyahe.
Nagkakaroon lamang aniya ng mga maling interpretasyon sa mga unang araw ng pagpapatupad ng naturang polisiya.
Target ng mobile vaccination drive na makapagbakuna ng booster shots sa 500 indibidwal kada araw sa loob ng limang araw nitong pilot testing sa PITX.
Idinagdag pa ni Abalos na pinag-uusapan na rin nila ng DOTr ang pagkakaroon ng mga vaccination centers sa mga bus terminal, paliparan, at pantalan.
Bella Gamotea