Inamin ni Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda na nakatanggap siya ng alok na kumandidato sa isang mataas na posisyon para sa Halalan 2022, subalit tinanggihan niya ito.
Kinapanayam kasi ni Dra. Vicki Belo si Meme sa latest vlog nito, naurirat ang comedian-host kung saka-sakali, handa ba niyang pasukin ang mundo ng politika? Ang tanong ay inihatid ng naging leading man sa pelikula na si Derek Ramsay sa pamamagitan ng recorded video.
Talagang 'shookt' si Meme sa 'panliligaw' umano sa kaniya ng isang grupo para mapapayag siyang sumali sa kanilang line-up. Bagama't tumanggi siya, hindi naman daw niya isinasara ang kaniyang pinto at bintana para dito.
“Politics, sa ngayon ha? Siyempre I cannot sabihin never, baka lamunin, hindi ko alam, pero sa ngayon, no. Ayokong magsalita nang patapos. May nag-offer sa akin mataas na position. Naloka ako! Hindi ako magaling doon," pag-amin ng komedyante.
Aniya, sa palagay niya ay maaari siyang manalo sa dami ng followers at mga tagahanga niya na boboto at susuporta sa kaniya, subalit hindi pa rin ito ang naging dahilan niya upang pasukin ang mundo ng politika. Baka ipahamak pa raw niya ang Pilipinas.
“Feeling ko puwede akong manalo dahil marami akong followers, maraming fans, maraming boboto sa akin. Pero hindi ako magaling doon so bakit ako pupunta roon? Ipapahamak ko ang Pilipinas? Not because you can win, you will run," paliwanag ni Viceral.
Hindi na ibinahagi pa ni Vice kung anong partido at posisyon ang naialok sa kaniya.