Kamakailan lamang, lubos na nagpasalamat ang TikTok personality at pharmacist na si Arshie Larga sa mga nagpadala sa kanya ng e-money upang makatulong sa ibang tao.
Nauna nang sinabi ni Larga na pangarap nitong magsagawa ng medical mission ngunit hindi pa ito posible dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
"So dahil naman po sobra sobra ang nakalap kong funds, naisip ko po bakit hindi na lang ako magbigay ng mhga libreng over-the-counter na gamot — 'yung para sa mga lagnat, sipon, at ubo," ani Larga.
Ayon sa kanya, balak niyang bigyan ang mga indigent families o mga pamilyang walang kakayahan o hirap bumili ng gamot sa kanilang bayan.
Ilan sa mga gamot na binili niya ay gamot para sa mga bata, pang-lagnat, ubo, sipon, meron din vitamins at mga gamot rin para sa matatanda.
Bukod sa mga gamot, nais rin magbigay ni Larga ng thermometer at face masks.
Ibibigay niya ito nang nakaayos tulad ng isang 'health kit,' na naglalaman ng digital thermometer, face mask, carbocisteine, paracetamol, cetirizine, sodium ascorbrate, lagundi, at oral rehydration salts.
Upang bigyang gabay ang mga mabibigyan ng health kit, magbibigay rin siya ng mga printed guide.
Target ng pharmacist na makapag-bigay ng at least isang kit sa bawat pamilya at makapagbigay sa 100 pamilya.
Bilang pagbibigay-alam sa publiko, umabot sa P44,680 ang nagastos niya para sa health kit na kanyang ipamimigay.
Sa ngayon, hindi pa ginastos ni Larga ang kabuuang halaga ng nakolekta nitong pera mula sa mga nagbigay ng donasyon ngunit siniguro nitong maglalabas siya ng update para na rin sa transparency.
Matatandaan na umabot na sa P99,998.92 ang nalikom na pera ni Larga mula sa nagpapadala sa kanyang GCash account, as of January 14.
Samantala, mayroon namang P43,343.94 donasyon ang ipinaabot kay Larga nang magbukas ito ng kanyang Paypal account.
Sa kabuuan, umabot sa P143,342.86 ang perang ipinadala sa pharmacist.
“Hindi ko po ine-expect na aabot ito sa ganito karami. Oh my God, anong ginawa ko? I assure you po na hindi ito mababaliwa at masasayang at hindi ko po ito gagamitin para sa sarili ko,” pagpapasamalat ni Larga.
Nilinaw naman niya na hindi siya nanghihingi ng pera, sadyang may mga tao lamang na nagpapadala ng pera sa kanya at siya ang ginagawang instrumento upang makatulong sa iba.