Hinihikayat ng Social Security System (SSS) ang kanilang mga miyembro, pensioners, at employers na gamitin ang online services nito sa gitna ng pagtaas ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Sinabi ni SSS President at CEO Aurora C. Ignacio na ang paggamit ng mga online channel nito para sa mga transaksyon ay ang "pinakasimple, pinakaligtas, at pinaka-convenient option."
“Through our online channels, our stakeholders can avail of our services without the need to go out of their homes or offices, minimizing their risk of exposure to COVID-19,” aniya.
Kabilang sa online channels ng SSS ay ang My.SSS Portal, SSS Mobile App, at uSSSap Tayo portal.
Maaaring ma-access ng mga miyembro, pensioner, at employer ang kanilang kontribusyon sa SSS, loans, at status ng mga claim sa benepisyo o reimbursement sa pamamagitan ng My.SSS Portal.
Maaari rin isumite ang Maternity Notifications, Maternity Benefit Applications and Adjustment of Maternity Benefits, Sickness Benefit Applications, Funeral Benefit Applications, Retirement Benefit Applications, Salary Loan Applications, Calamity Loan Applications, at Loan Pension Applications.
Samantala, sa SSS Mobile App, maaaring magbayad ng kontribusyon ang mga self-employed, voluntary, at Overseas Filipino Workers (OFW) members sa pamamagitan ng PayMaya o GCash accounts, credit/debit card, o Bank of the Philippine Islands account.
Habang ang uSSSaP Tayo Portal ay nagbibigay daan sa mga stakeholder ng SSS at sa publiko na mahanap ang kanilang SSS information at sagutin ang kanilang mga katanungan.