Mukhang hindi matutuloy ang gustong mangyari ng Philippine Sports Commission (PSC) na pagkakaayos o pagkakasundo nina Pinoy Olympian pole vaulter EJ Obiena at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) chief Philip Ella Juico.

Batay sa huling pangyayari, hindi lumagda si Obiena sa mediation submission form na magtatakda sana ng pagkakaayos nila ng kanyang national sports association (NSA) na katulad ng isinusulong ng PSC.

Hindi ito tumutugma sa naunang ipinarating ni Obiena kay PSC chairman William “Butch” Ramirez sa pamamagitan ng kanyang abogado na handa siyang lumahok sa alok na mediation, kasama ang PATAFA.

Tanging naging pahayag lamang ni Obiena ay gusto niyang mag focus sa darating na indoor season na may mga nakahanay na torneo sa Europa upang mapangalagaan ang kanyang pag-angat sa world No.3 ranking noong isang taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ayon kay Ramirez, ipinarating na niya kay Juico ang hindi pagpirma ni Obiena sa mediation submission agreement form.

Dulot ng muling pagtanggi ni Obiena na makipagpulong sa PATAFA sa tulong ng PSC, posibleng tuluy-tuloy na rin ang imbestigasyon sa umano'y maling paggastos ng pondo ng gobyerno at sa umano'y palsipikasyon ng liquidation documents ni Obiena.

Bukod dito, naghahanda na rin umanong magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kaso. 

Marivic Awitan