Kahit na paniwala ni Olympics weightlifting gold medalist Hidilyn Diaz na kasinlakas na siya ni 'Wonder Woman,' dinapuan pa rin siya ng COVID-19 gayundin ang ilang miyembro ng kaniyang pamilya.
Ibinahagi ni Hidilyn sa kaniyang latest vlog ang kaniyang pakikipaglaban at pakikipagsagupa sa naturang sakit na nagdulot ng pandemya at malaking pagbabago sa uri ng pamumuhay ng mga tao ngayon.
"Gusto ko lang i-share ang naging journey ko noong nag-positive ako sa COVID-19 nitong mga nakaraang linggo," ayon sa panimula ni Hidilyn.
"Yung ang ganda ng 2021 ko, pero pagpasok ng 2022, ito nangyari sa akin, may laban agad akong hinarap," dagdag pa niya habang naluluha.
"Shi-nare ko itong journey ko para sa mga gaya ko na nagpositive na malalagpasan din natin ito at awareness na totoo ang nangyayari ngayong pandemic. Stay safe everyone!"
Naunang magkaroon ng COVID ang ilan niyang mga kapamilya, at siya pa umano ang nag-alaga sa kanila. Makalipas ang limang araw, siya naman ang tinamaan nito. Alam niyang malakas siya subalit mas malakas daw ang virus.
"Akala ko Wonder Woman na ako, ayon nagka-COVID rin si ate. Alam ko sa sarili ko na malakas ako. Pero mas malakas pala si Omicron."
"Mahirap itong pinagdaanan ko kasi kung alam n'yo lang po nakakabaliw at saka wala akong training ngayon. Di ko pa alam kung how many days, hoping na ma-negative na sa antigen."
Nagbigay naman ng mga paalala si Hidilyn sa taumbayan.
"Hoping lahat tayo matuto mag-follow ng protocol. Huwag maging kampante, wear mask, wash hands, and magpa-vaccine na, booster na rin."