Hinimok ni reelectionist Senador Richard Gordon nitong Linggo, Enero 23, ang mga Pilipino na maging "seryoso" sa pagpili kung sino ang iboboto sa darating na eleksyon, sinabi na ang mga tao ang laging natatalo sa huli dahil hindi umano ibinoboto ang mga tamang pinuno.
“Hindi ho solusyon ang pagboto lamang. Seryosohin nyo iyong pagboto. Piliin nyo iyong mapagkakatiwalaan," aniya sa weekly radio show ni Vice President Leni Robredo.
Si Gordon ay isang guest senatorial candidate sa ilalim ng tiket ng bise presidente.
Binalaan niya ang mga Pilipino na huwag iboto ang mga taong nagbibigay ng cash aid o mga sikat na artista, ngunit nilinaw niyang wala siyang tinutukoy na sinuman.
“Kung qualified naman, okay lang pero ang magbabayad ng kapabayaan nyo kundi nyo pag-isipan, kayo rin eh," ani Gordon.
“Talo kayo palagi. Iyong ang aking pakiusap," dagdag pa niya.
Sa kabila ng paggawa ng kanilang makakaya sa Senate blue ribbon committee na kanyang pinamumunuan, sinabi ng senador na ang problema ay maling kandidato ang ibinoboto ng mga tao.
"Kailangan talaga iyong ilalagay nyong tao nalalaman ang kanilang trabaho," ayon kay Gordon.
Sakaling manalo muli bilang senador, tututukan niya ang pagpapatupad ng batas.
“Ang problema natin [ay] enforcement of law. Ang palaging pinaglalaban natin [ay] enforcement of law,”“Iyang PhilHealth hindi na-e-enforce. Hindi nababayaran ang hospital. Hindi lahat ng tao nakakakuha ng tulong. Bagamat malaki ang tulong pero kulang pa rin. Enforcement na naman yan," ani Gordon na tinutukoy ang Doble Plaka law at ang kaguluhan umano sa PhilHealth bilang resulta ng hindi pagpapatupad ng mga batas.
Raymund Antonio