Pinag-iingat ni Manila Mayor at Presidentiable Isko Moreno ang publiko laban sa mga murang gamot na ipinagbibili sa merkado, dahil sa posibilidad na peke ang mga ito.
“Pag masyadong mura, magtaka. Hindi lahat ng mura mabisa,” ayon kay Moreno.
Ang babala ay ginawa ng alkalde kasunod nang pagkakaaresto ng isang babaeng online seller at pagkakumpiska ng may₱1.8 milyon pekeng gamot na normal na ginagamit ng mga pasyente ng COVID-19 na may mild symptoms lamang.
Kasabay nito, nanawagan si Moreno, gayundin si Vice Mayor Honey Lacuna sa publiko na kaagad na isumbong sa mga awtoridad kung may nadiskubre silang nagmamanupaktura ng mga pekeng gamot.
Pinayuhan rin ng alkalde ang publiko na bumili lamang ng mga gamot sa mga awtorisadong botika.
Ikinalungkot rin ng alkalde na sa kabila ng pandemya ay may ilang indibiduwal pa ang nagsasamantala sa sitwasyon.
“Walang masamang kumita pero hindi yung makakaperwisyo ka sa kapwa. ‘Yung wala kang inaapakang likod o wala kang inaapakang paa,” dagdag pa ni Moreno.
Mary Ann Santiago