BAGUIO CITY - Nagdulot umano ng paglobo ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod ang dalawang naitalang Omicron variant cases nitong nakaraang Disyembre.

Ito ang inihayag ni City Mayor Benjamin Magalong nitong Sabado, Enero 22, at sinabing ang dalawang kaso ng variant ay nagsimula sa kalagitnaan ng Disyembre 2021 batay na rin sa pagkumpirma ng Philippine Genome Center (PGC) nitong Enero 15.

Binanggit ni Magalong ang naitala nilang 725 na kaso ng COVID-19 nitong Enero 19 at ikinamatay ng limang senior citizen.

“Very dramaticitong pagtaas ng kaso natin, sa nakalipas na isang linggo lamang ay nag-a-average na tayo ng 500 cases a day. Magiging critical pa ito sa mga susunod na linggo.Ang ating average daily attack rate ay nasa 80.1 percent samantalang ang ating weekly growth rate ay nasa 6.9 percent,” ayon sa alkalde.

Probinsya

5 drug suspects, arestado matapos masabatan ng halos ₱2M halaga ng umano’y shabu

Sa inaasahang pagsipa ng Omicron variant ay siniguro ni Magalong na hindi maisasailalim sa Alert Level 4 ang Summer Capital na sasabayan naman ng maayos na pangangasiwa ng city government laban sa pagtaas ng bilang ng kaso.

Inihalimbawa nito ang pagsipa ng Delta variant noong nakaraang taon na naging ‘manageable’ dahil sa mga contingency plan para agad na ma-contain ang virus.

Ayon kay Magalong, ibinaba ang bilang ng turista sa lungsod; pagsuspinde sa pagpapalabas ng acceptance certificates at mahigpit na border controls. “Sa ngayon kakaunti ang ating turista, dahil iniiwasan mula nila ang magbiyahe, dahil sa pagtaas ng kaso," sabi pa nito.

Aniya, ang pagtaas ng kaso ay resulta din massive testing drive mula sa average na 1,300 reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) tests at 570 antigen tests na isinasagawa araw-araw. “Ginagawa natin ito para habang maaga ay magamot agad ang sintomas.”

Muling nanawagan si Magalong sa publiko na doblehin pa ang pag-iingat, lalo ngayong tag-lamig at panatilihin ang health protocols at magpabakuna at booster laban sa severe symptoms ng COVID.

Zaldy Comanda