Trabaho ng Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) na sugpuin ang vote-buying, ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo nitong Sabado, Enero 22.
Sa Presidential Interviews na isinagawa ng award-winning journalist na si Jessica Soho at inilabas sa telebisyon nitong Sabado ng gabi, kinunan ng reaksyon si Robredo kung paano harapin ng grupo ng mga household service workers na sumusuporta sa kanyang kandidatura ang pamimili sa kanilang boto.
Aniya, dapat na tanggapin ng mga botante ang iniaalok na pera basta iboboto pa rin nila ang napupusuang kandidato.
"Bawat eleksyon, nagrereklamo kami na ang vote buying activities na nangyayari sa paligid namin ay tuluy-tuloy, hindi natin na-i-implement 'yung batas na maayos, and dahil dito, lalo lang na parang namamayagpag 'yung mga namimili ng boto," pagdidiin nito.
"'Yung sa akin, tayong mga hindi naniniwala sa pagbibili ng boto, ano 'yung gagawin natin? Sasabihin natin na kahit kayo nag-receive, kahit kayo tumanggap ay dapat gamitin niyo pa rin 'yung konsensya niyo. Pero sa akin Jessica 'yung realities on the ground nangyayari siya eh, nangyayari siya and it is up for government, Comelec, 'yung PNP (Philippine National Police), kung sino pang mga law enforcement agencies, na siguruhin sana na hindi ito pinapayagan," dagdag pa ni Robredo.