Sa bagong video na inilabas ni Senator aspirant Leila de Lima, nagpahayag ito ng pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanya at sa mga naririnig nitong 'success stories' ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps Law.
Humingi naman siya ng paumanhin dahil hindi nito personal na mabisita ang mga benepisyaryo ng 4Ps.
"Bilang may akda ng batas na ito, maganda sana kung nakakapag-kwentuhan tayo tungkol sa karanasan ninyo bilang mga benepisyaryo pero hindi pa posible dahil sa aking kasalukuyang sitwasyon," ani ng de Lima.
Aniya, panatag siya dahil may 4Ps na makakatulong sa mga Pilipino sa gitna ng krisis na pinagdadaanan nito.
Dagdag pa ni de Lima, pakikibaka nito ay para sa mga walang laban o kapangyarihan.
"Gaya po ng aking sinabi noon, ginagawa ngayon at patuloy na ipinaglalaban sa mga susunod pang taon, ang ating kapangyarihan ay para sa mga walang kapangyarihan. Ang ating pag-aruga ay para sa mga nangangailangan ng ating tulong at pag-unawa," ani de Lima.
At dahil ganap nang batas ang 4Ps, siniguro naman ni de Lima na kahit magpalit man ang administrasyon ay patuloy ang benepisyo ng mga kasali sa programang ito.
Matatandaan na noong Abril 17, 2019, naisabatas ang 4Ps Act, na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nangangailangang Pilipino sa loob ng pitong taon. Ito ay upang mapaunlad ang kalusugan at edukasyon ang mga kabataang may edad 0 hanggang 18.
Si de Lima ang principal author at sponsor ng batas na inihain niya noon sa Senado bilang Senate Resolution (SR) No. 894.