Matapos hindi maimbitahan sa “The Jessica Soho Presidential Interviews” ang workers advocate at presidential aspirant na si Ka Leody de Guzman, magla-live na lang ito sa Facebook upang i-broadcast ang kaniyang plataporma at paniniwala ukol sa sari-saring isyu na kinahaharap ng bansa.
Sa teaser na inilabas ng GMA News sa 24 Oras nitong Biyernes, Enero 22, tanging limang nangungunang presidential aspirants lang sa pinakahuling survey ang hinamon ng programa na humarap sa publiko at makipagtalakayan sa pinakamaiinit na kontrobersiyang kinahaharap ng bawat kandidato gayundin ang ilang isyu ng bansa.
Gayunpaman, si Manila Mayor Isko Moreno, Senator Panfilo Lacson, Senator Manny Pacquiao at Vice President Leni Robredo lang kumasa sa hamon.
Sa paratang na “biased” ang award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho, hindi pinaunlakan ng dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paanyaya ng programa.
Pinalagan naman ng GMA ang paratang ng kampo ni Marcos at binigyang-diin ang bigat ng mga tanong sapagkat katumbas nito ay mabigat na responsibilidad sa bayan.
Dahil sa hindi pagkakabilang sa Top 5 presidential candidates sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, hindi nakasama si Ka Leody de Guzman sa lineup ng naturang GMA News program.
“Dahil hindi ako naimbitahan sa Presidential Interviews ni @KM_Jessica_Soho ng @GMA_PA, ako ay magla-live sa ttp://facebook.com/partidolakasngmasa… mamayang 6:15PM para sagutin ang mga tanong na ibabato sa ibang kandidato para maipresenta ko sa publiko ang aking mga pananaw, tindig at plataporma,” saad ni Ka-Leody sa isang Tweet nitong Sabado, Enero 22.
Mapapanuod ang live sa Facebook page ng Partido Lakas Masa sa ika-6:15 ng gabi nitong Sabado, Enero 22, kasabay ng pag-ere ng nabanggit na presidential interviews na inilunsad ng GMA Network.
Nauna na ring nagpahayag ng interes ang presidential aspirant sa kaniyang paglahok sa mga presidential debate na oorganisahin ng Commission on Elections (Comelec).