Viral sa Facebook ang “DidiSerye” o DDS, isang programa na pinangungunahan ng batikang aktres na si Dexter Doria na layong itama ang mga pekeng impormasyon sa social media. Sa kaniyang ikalawang episode, ilang paniniwala tungkol sa umano’y “Golden Era” noong panahon ng pagdedeklara ng Martial Law sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos ang kaniyang pinabulaanan.
Kabilang sa mga ito ang mga naratibong maayos daw ang pamumuhay ng mga Pilipino, libre ang tubig at kuryente, disipilinado ang mga mamamayan at sa kabuuan ay sagana ang buhay.
“Magsiyasat tayo gamit ang mapagkakatiwalaang impormasyon,” ani ni Dexter Doria na gumaganap bilang si “Nana Didi” sa naturang episode ng serye.
Unang hinapag ni Nana Didi ang katotohanang ang yumaong diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pinakamatagal na umupong Pangulo ng bansa mula 1965 hanggang 1986.
Sunod na inilatag nito ang utang ng bansa noong 1962 na tinayatang nasa $360 milyon lang. Nang mapatalsik ang Pangulo, naging kapansin-pansin ang malalang paglobo nito sa $26.3 bilyon pagtungtong ng 1986.
“Yung kinakaltas nating tax ngayon ay pinangbabayad lang sa utang na ‘yan. Kahit pa anak ng mga anak niyo, magbabayad sa utang na ‘yan,” ani Nana Didi.
Natalakay din sa episode ang umano’y libreng kuryente noong panahon ng Martial Law.
“Hindi totoo yun,” agad na pagbanat ni Nana Didi.
Dito sunod na nabanggit ang Bataan Nuclear Plant na panukala ng rehimeng Marcos ngunit hindi rin nagawang mabuksan dahil sa patong-patong na dahilan kabilang ang dala nitong “panganib sa kalusugan” sa publiko. Tinatayang nasa $2.3 bilyon ang nalustay para sa naturang proyekto.
Hindi rin nakaligtas kay Nana Didi ang “crony capitalism” na umano’y naging talamak sa pamumuno ng diktador. Sa ilalim nito, ang pagtatalaga ng malalaking proyekto ay ipinagkakatiwala sa mga malalapit na kaibigan nang walang proseso ng bidding.
“Tiba-tiba ang dabarkads. Everybody happy except the taxpayers," banat ni Nana Didi.
Binigyang-linaw din ng DDS episode ang mga naratibong mura ang mga bilihin sa panahon noong 80’s kung saan sa katunayan umano’y umabot pa sa 50% ang naging inflation rate noong 1986.
"Sa maniwala man kayo o sa hindi, ‘yan ang katotohanan,” pagbabanggit ni Nana Didi.
Hinikayat din nitong magsaliksik ang kaniyang manonood sa mga lehitimong dokumento online.
“Kaya sa tanong kung Golden Era ba ang Martial Law, ang sagot—hinding-hindi,” pinal na hatol ni Nana Didi sa katanungan.
“Nasa sa inyo na kung gusto niyong magpaloko pa rin, pero sana mamulat na tayong lahat,” pagtatapos niya.
Ang aktres ay isang estudyante ng University of the Philippines (UP) nang pumutok ang Martial Law noong 1972. Kabilang din siya sa mga nakiisa sa tinaguriang EDSA People Power Revolustion na naging susi sa pagpapatalsik kay Marcos sa Palasyo.
Mula nang i-upload ang ikalawang episode ng serye noong Enero 18, tumabo na agad ito sa 753,000 views, 28,000 reactions at 17,000 shares.