Trending topic ngayon sa Twitter ang “#MarcosDuwag” kasunod ng ulat na hindi pinaunlakan ni dating senador at ngayo’y Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang imbitasyon ng GMA Network para sa isang presidential interview.
Sa inilabas na teaser ng GMA sa 24 Oras, limang nangungunang presidential candidates base sa pinakahuling Pulse Asia survey ang hinamon at kabilang sa mga kumasa sina Manila Mayor Isko Moreno, Senator Manny Pacquiao, Senator Panfilo Lacson at Vice President Leni Robredo.
Tanging si Bongbong lang ang tumanggi sa imbitasyon ng programa na pangungunahan ng batikang broadcast journalist na si Jessica Soho.
Kasunod ng ulat, ilang netizens ang nagpahayag ng saloobin sa tila umano’y pag-atras ng kandidato na sana’y pagkakataon upang ilatag sa mga botante ang mga plataporma na nais niyang isulong gayundin ang mga saloobin nito sa ilang maiinit na isyu na kinahaharap ng bansa.
Samantala, sa teaser ng hiwalay na presidential interviews ni Boy Abunda sa kaniyang Youtube channel, makikitang tampok si Bongbong Marcos sa panayam.
Kamakailan ay naging kontrobersiyal din ang hindi pagsipot ni Bongbong sa isang Comelec hearing kaugnay ng kaniyang disqualification case.
Ang "The Jessica Soho Presidential Interview" ay eere sa GMA ngayong Sabado, Enero 22.