Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng double-mask upang mas maprotektahan ang kanilang sarili laban sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
“To further prevent virus transmission and mutation, choose the right mask for additional protection. Double masking is encouraged to maximize filtration and protection,” sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing nitong Biyernes, Enero 21.
Sinabi ni Vergeire na inirerekomenda nila ang pagsusuot ng surgical mask sa ilalim ng cloth mask dahil maaari itong mabawasan ang risk ng isang tao na mahawaan ng coronavirus.
“Kapag sinuot po natin ang surgical mask, maari po natin takpan ito ng isa pang layer and that would be our cloth mask para po appropriately fit sa ating mukha ang ating surgical mask,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Vergeire na maaari ring gamitin ng publiko ang N95 o KN95 type na face mask. Gayunpaman, hinikayat niya ang publiko na ireserba ang mga mask na ito para sa mga healthcare workers sa mga ospital.
“Kung maari maireserba natin ang ganitong mask sa ating healthcare workers para pag dumating ang punto na nagkakashortage, narereserve po natin ang mga ganitong highly technical mask para sa kanila,” sabi ng health official.
Pinaalalahanan din ni Vergeire ang publiko na laging obserbahan ang wastong pagsusuot ng face mask kapag nasa pampublikong lugar.
“Masks should always cover your nose and mouth to ensure the most protection possible. No symptoms does not mean no COVID. Always wear masks for protection,” ani Vergeire.
Sinabi rin niya na "walang katibayan na ang mga maskara ay nagpapababa ng mga antas ng oxygen."
Pinaalalahanan din ng tagapagsalita ng DOH ang mga Pilipino na tiyaking regular na magpalit ng mask.
Aniya pa, inirerekomenda na ang mga surgical mask ay itapon pagkatapos gamitin o "palitan matapos gamitin sa loob ng anim na oras o kapag ito’y marumi na."
Ang mga face mask na gawa sa tela dapat na nahuhugasan pagkatapos ng bawat paggamit. Samantala, ang N95 mask ay "dapat palitan kung ito ay napunit, maluwag, o nabasa."
Analou de Vera