Hindi magiging suliranin ang pagkakaroon ng karne ng baboy sa merkado dahil may sapat na suplay para sa taong ito.

Ito ang pagtitiyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar kasunod ng commitment ng bansa sa lokal na produksyon pati na rin ang pagpapalakas ng mga relasyon mula sa ibang mga bansa para sa kinakailangang suporta.

Sa kabila ng mga suliranin na dala ng African Swine Fever (ASF) mula pa noong 2019, optimistiko si Dar na mababawi ng Pilipinas ang mga pagkalugi at magkaroon ng mas magandang resulta pagdating sa produksyon ngayong taon.

Noong Enero 13, ang mga aktibong kaso ng ASF ay naiulat sa 45 barangay sa 17 munisipalidad sa rehiyon 2, 4A, 4B, 8, 11, at CARAGA.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, batay sa monitoring activities na isinagawa ng iba't ibang local government units (LGUs) na na-validate ng DA's Regional Field Offices (RFOs), 553 lungsod at munisipalidad ang naiulat nang ASF-free sa loob ng tatlong buwan.

Gayundin, mayroong 88 lungsod at munisipalidad na walang naiulat na mga kaso sa loob ng 3-6 na buwan, 435 na lungsod at munisipalidad sa loob ng anim na buwan, at 36 na munisipalidad ang nakalaya na rin mula sa quarantine.

Ang mga hakbang upang maiwasan ang karagdagang pinsala mula sa trans-boundary animal disease ay patuloy na isinasagawa mula sa pambansang antas hanggang sa lokal na antas, partikular sa mga barangay at maliliit na komunidad.

Ngayong taon, ipinatupad din ng DA ang kambal na programang 'Bantay ASF sa Barangay' o 'BaBay ASF,' gayundin ang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) sa ilalim ng Bureau of Animal Industry (BAI) at ng National Livestock Program (NLP).

Ayon kay BAI Director Reildrin Morales, mas maraming lugar, partikular sa Benguet at Batangas, ang nag-upgrade ng kanilang zoning status na ang direksyon ay patungo sa programang Babay ASF.

Sa ilalim ng Babay ASF, ang teknikal na tulong kabilang ang pagsubaybay sa sakit, surveillance, at kontrol ay pinalawak dahil ang inisyatiba ay nanawagan para sa mas mahigpit na pagsusubaybay at monitoring efforts na kinabibilangan ng pag-set up ng mga biosecurity measures para sa komersyal at backyard piggeries..

Sa buwang ito, humigit-kumulang 13,870 sentinel na baboy ang naipamahagi sa mga lugar na walang kaso.

Napansin ng Philippine Statistics Authority ang pagtaas ng imbentaryo ng baboy mula 9.1 milyon hanggang 9.8 milyon, sa loob ng isang taon.

Sinabi ni Morales na ito ay primarya dahil sa mga hakbangin at pagsisikap ng pribadong sektor, mga grupo ng mga swine raisers, at mga propesyonal na asosasyon ng beterinaryo, na patuloy na nakikipaglaban sa banta ng ASF sa gobyerno.

“These efforts, implemented in partnership with LGUs, have been instrumental in keeping the industry alive,” aniya habang idiniin na ang papel ng lokal na pamahalaan, partikular sa antas ng barangay, ay napakahalaga sa tagumpay ng mga programang rehab at repop.

Sa pagdami ng populasyon ng baboy, unti-unting naging matatag ang suplay ng baboy, dahil ang produksyon mula sa mga lokal raisers sa buong bansa ay dinadagdagan ng mga frozen na item na galing sa ibang mga bansa.

“These imported products are kept in cold storages and will be released to simply augment the supply gap. This is never meant to compete with the local producers,” paglilinaw ni Morales.

Waylon Gomez