Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang guidelines para sa pinakabagong round ng Coronavirus Disease (COVID-19) Adjustment Measure Program (CAMP) nito para sa mga manggagawang apektado ng mas mahigpit na Alert Level 3.

Nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III noong Huwebes, Enero 20, ang Department Order (DO) No. 232 na inaasahang magkakabisa sa susunod na linggo sa oras na mailathala sa Official Gazette o isang pahayagan.

Sa ilalim ng kautusan, ang DOLE, sa pamamagitan ng CAMP, ay magbibigay ng P5,000 na one-time financial assistence sa mga manggagawa sa pormal na sektor na nawalan ng trabaho o nasuspinde dahil sa pandemya o sa deklarasyon ng Alert Level 3 o mas mataas pa.

Ayon sa DOLE, ang mga pribadong establisyimento ay maaaring mag-aplay para sa monetary support sa ngalan ng kanilang mga empleyado habang ang mga indibidwal na manggagawa ay maaari ring mag-aplay mismo para sa ayuda.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sakop ng 2022 CAMP ang mga apektadong manggagawa sa pribadong sektor sa mga lugar kung saan idineklara ang Alert Level 3 o mas mataas mula Enero 2022 pataas.

Batay sa mga alituntunin, ang aplikante ay dapat isang pribadong establisyimento na nagpatupad ng pansamantalang pagsasara o permanenteng pagsasara sa panahon ng pagpapatupad ng Alert Level 3 o mas mataas sa kanilang lugar, o isang manggagawa na pansamantalang tinanggal o permanenteng tinanggal sa panahon ng pagpapatupad ng sinabing alert level.

Ang mga apektadong establisyimento ay kinakailangang magsumite ng ulat ng pansamantala o permanenteng pagsasara na sumasaklaw sa Enero 2022, at pinakabagong payroll o alinman sa mga sumusunod na alternatibong dokumento:

• Katibayan ng mga pagbabayad ng sahod sa pamamagitan ng logbook o ledge

• Kontrata sa pagtatrabaho

• Awtoridad na mag-debit ng account na ipinadala ng employer sa bangko para sa sahod ng mga empleyado

• Listahan ng SSS, Pag-IBIG, PhilHealth remittances o anumang listahan ng remittances

• Listahan ng mga empleyadong may 13th month pay

Para sa mga apektadong indibidwal, ang mga sumusunod na kinakailangan ay maaaring isumite:

• Malinaw na larawan ng kanyang sarili na may hawak na government-issued ID

• Duly notarized na patunay ng kawalan ng trabaho (i.e. Certificate of Employment, Notice of Termination, Notarized Affidavit of Termination of Employment, o Notice of Temporary Lay-off) na sumasaklaw sa panahon ng Alert Level 3 sa kanilang lugar

Ang mga karapat-dapat na kumpanya at indibidwal ay maaaring mag-aplay para sa tulong online sa pamamagitan ng DOLE Establishment Reporting System sa reports.dole.gov.ph.

Ang mga aplikasyon ay susuriin ng kinauukulang DOLE Regional Office sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng mga dokumento.

Sinabi ng DOLE na maaaring tanggihan ang mga aplikasyon kung ang manggagawa ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng tulong, kung ang mga katotohanan sa aplikasyon ay mali ang pagkatawan, o kung ang mga dokumentong isinumite ay peke.

Ang mga inaprubahang manggagawa ay magkakaroon din ng 30 araw para i-claim ang cash benefit o ibibigay ito sa iba.

Kamakailan ay inihayag ng Kagawaran na maglalaan ito ng P1 bilyon para sa pagbibigay ng cash assistance sa mga manggagawang apektado sa pagpapatupad ng mas mahigpit na COVID alert level.

Batay sa jobs displacement monitoring ng DOLE, kabuuang 11,586 manggagawa ang nawalan ng trabaho mula sa 759 na establisyimento sa buong bansa mula Enero 1 hanggang 15 ngayong taon — mayorya o 687 ang nagbawas ng mga manggagawa habang 72 ang nag-ulat ng permanenteng pagsasara.

Alexandra Dennise San Juan