Hindi raw kinaya ng aktres na si Ryza Cenon ang balitang nakarating sa kaniyang tungkol sa 80 anyos na lolong ikinulong dahil sa 'pagnanakaw' umano ng 10 kilong mangga, noong Enero 13, 2022.

Ayon sa ulat ng Asingan PIO, mangiyak-ngiyak si Lolo Narding Floro, 80, nang makapanayam nila ito. Mag-iisang linggo na kasi itong nasa kustodiya ng Asingan PNP at gusto na umano nitong umuwi.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/20/80-anyos-na-lolo-ikinulong-dahil-sa-pagnanakaw-ng-10-kilong-mangga/

“Pinapitas ko yung isang puno ng mangga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman 'yun,” ani Lolo Floro.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Naaresto umano si Lolo Floro dahil sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) Asingan-San Manuel noong Disyembre 20, 2021.

Ayon sa pulisya, naaresto si Lolo Floro sa isang manhunt operation bandang alas-5 ng hapon noong Enero 13 sa Bgy. Bantog.

“Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko yung bayad ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng ₱6,000,” mangiyak-ngiyak na paliwanag ng lolo.

Sa ulat, may inilaan na piyansa ang korte na nagkakahalagang ₱6,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Lolo Floro.

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nang malaman ito ni Ryza, nagprisinta umano ang aktres na siya na lamang ang magbabayad ng piyansa para makalaya na ang akusadong matanda.

Ang handler ni Ryza na si Caryl Ann Paraico ang nakipag-ugnayan umano sa Asingan Police nitong Miyerkules ng gabi, Enero 19, upang magpaabot ng tulong kay Lolo Narding. Wala raw sumasagot sa tawag nila sa telepono kaya nakipagtulungan na sila sa PEP.

Samantala, wala pang update si Ryza tungkol sa development sa isyung ito. Ayon sa ulat, pansamantalang makalalaya na si Lolo Narding matapos makapagpiyansa mula sa inambag na pera mula sa pulisya at iba pang donor. Hindi pa tiyak kung kasama na rito ang ambag ni Ryza o maging ng vlogger/social media personality na si Shiwen Lim.

Marami rin umano ang nagpadala ng tulong nang kumalat sa social media ang balita tungkol sa pangyayari.