Kinansela na rin ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng aktibidad sa lungsod na may kinalaman sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pebrero 1, kasunod na rin ito nang patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Moreno, hindi muna pinapayagan ang pagdaraos ng tradisyunal na mga parada, dragon at lion dances, pagpapailaw ng mga firecrackers sa mga lansangan at iba pang aktibidad na may kinalaman sa naturang pagdiriwang.
Mahigpit rin aniyang ipatutupad ang liquor ban, partikular na sa Chinatown area o sa Binondo.
Alinsunod sa Executive Order na nilagdaan ni Moreno, at in-attest ni secretary to the mayor Bernie Ang, na may Chinese-Filipino descent at prominent figure sa Chinoy community, nabatid na maging ang China ay nagkansela na rin ng kanilang Lunar New Year celebration para sa milyun-milyong migrants na diniscourage nilang umuwi para sa Chinese holidays.
Ipinaliwanag ng alkalde na kung hindi niya kakanselahin ang naturang pagdiriwang ay maaaring maging dahilan ito nang higit pang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.
“The activities during the New Year celebration, if not cancelled, can be surely an easy medium of COVID-19 spread and transmission thereby endangering the health, well-being and safety not only of residents but also their visitors who will join them in the celebration,” anang alkalde, na siyang presidential candidate ng partido Aksyon Demokratiko.
“Locally, there is therefore a compelling need for the City to cancel any and all activities to celebrate the Chinese New Year not only to avoid the fear envisioned above but also in order not to put in vain all initiatives the City had already undertaken the entire duration of this pandemic. This cancellation is all the more compelling due to reports of the Omicron variant causing the recent surge in the country,” dagdag pa niya.
Inatasan rin ni Moreno si Manila Barangay Bureau (MBB) chief Romeo Bagay na gawin ang lahat ng nararapat na aksyon upang maipabatid sa mga barangay ang naturang kautusan.
Matatandaang una na ring kinansela ni Moreno ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng pista ng Poong Itim na Nazareno at ng Sto. Niño upang maiwasan ang posibleng hawahan ng virus.
Mary Ann Santiago